PUNCHING BAG ● Noong sinusuyo mo ang iyong misis noong dalaga pa siya, todo ang pagkakabait mo upang matamo ang pinakamimithi mong “Oo” mula sa kanya. At dahil todo nga ang pagpapakabait mo, hindi mo ibinubunyag sa kanya ang kapangitan ng iyong pag-uugali lalo na kung nalalasing ka o mainit ang iyong ulo sa kung anong dahilan. Dahil malamang sa hindi, kalaunan, ang misis mo na ang babalingan mo ng iyong kagaspangan. Sa isang ulat, sa Sitio Kural, Capas, Tarlac, naghain ng reklamo ang isang misis sa pulisya laman sa kanyang mister bunga ng kalupitan.

Ayon sa pulisya, binugbog ng isang Ronaldo Pabustan, 39 anyos, ang kanyang maybahay hanggang sa magkulay talong ang iba’t ibang bahagi ng katawan nito. Ayon pa sa ulat, matindi ang sinasapit ni misis sa pambubugbog ni Pabustan, lalo na noong isang gabi hanggang hindi na nito makayanan at dumulong sa pulisya ng Tarlac. Nabatid sa misis na ginagawa siyang human punching bag ni Pabutan sa tuwing magkakaroon sila ng di pagkakaunawaan. Nakakulong ngayon si Pabutan at haharapin nito ang kasong pagmamaltrato sa asawa. Kung sakaling babalangkasin ng ating nagbabanal-banalang mga mambabatas ang death penalty, sana ibigay sa mga misis ang pagpapasya kung isasalang sa lethal injection ang kanilang malulupit na mister. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng tunay na kapangyarihan ang kababaihan. Ang mga misis ang nagbibigay-buhay sa pamilya at nasa kamay rin niya kung kailan niya ito babawiin.

***

LUPANG PANGAKO ● Kasakiman ang dahilan kung bakit inilalagay ng ilan ang batas sa kanilang mga kamay. Naiulat na may apat na lalaki ang natagpuang patay sa magkakaibang lugar sa Bgy. Aneslagan, Compostela Valley noong isang araw. Ayon sa imbestigasyon ng awtoridad, iginapos muna ang apat bago pinaslang. Nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na itinapon sa iba’t ibang lugar sa naturang barangay. Brutal ang pagkamatay ng apat dahil wala itong kalaban-laban sapagkat nakagapos ang kanilang mga kamay. Tadtad ng saksak at taga ang kanilang mga katawan. Malaki ngayon ang trabahong nasa kamay ng pulisya sapagkat naghuhumiyaw ang mga kamag-anakan ng mga biktima ng hustisya. Naniniwala sila na away sa lupa ang dahilan ng krimen. Mata sa mata, ngipin sa ngipin... Death penalty, nasaan ka na?
National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol