Inihayag kahapon ni Vice President Jejomar Binay ang pag-atras nito sa nakatakdang debate kay Senator Antonio Trillanes IV sa Nobyembre 27 kaugnay sa umano’y multi-bilyong pisong katiwalaan na kinasasangkutan umano nito noong alkalde pa siya ng Makati City.
Sa kabila na ang bise-presidente ang naghamon ng debate kay Trillanes, sinabi ni Binay na hindi na magbabago pa ang kanyang desisyon na inihayag mismo sa kanyang ika-72 kaarawan sa Philippine Marines headquarters sa Taguig City.
Iginiit ng kampo ni Binay na nahusgahan na siya sa pagdinig pa lang o imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee na pinangungunahan nina Senator Koko Pimentel, Alan Peter Cayetano, at Trillanes.
Ayaw ni Binay na magmukha siyang mang-aapi at hindi nagustuhan ang mga patutsada ni Trillanes habang nalalapit ang araw ng debate na sana’y pangangasiwaan ng Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa Nobyembre 27.
“In the light of early attempts to set the stage for the upcoming event as unfavorably biased for Vice President Jejomar Binay, we respect the Vice President’s decision to beg off from the scheduled debate,” ayon kay Sen. Nancy Binay, na una nang nagsabi na hindi siya pabor sumabak ang kanyang ama sa debate kay Trillanes.
“This is an answered prayer and a welcome relief for the family, although we expect that our detractors will continue to gloat on the situation,” dagdag ng senador.