Ang Senado – tulad ng buong bansa – mistulang nahati sa kung ipagpapatuloy nito ang pag-iimbestiga ng Blue Ribbon subcomittee kay Vice President Jejomar Binay, na nagsimula nang manawagan si Sen. Antonio Trillanes IV para sa isang pagsisiyasat sa umano’y overpriced Makati building na itinayo nang mayor pa ng lungsod si Binay may 20 taon na ang nakararaan.

Sinabi ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano noong isang araw na nangangalahati pa lang ang isinasagawang pagdinig gayong tinataya ni Senator Trillanes na maaaring tumagal ito hanggang Abril ng susunod na taon. Bumuo ng team ang dalawa kasama si Sen. Aquilino “Koko” Pimental, chairman of the subcommittee, sa Binay investigation.

Sa kabilang dako, sinabi ni Sen. Miriam Defensor Santiago, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na nakalikom na ng sapat na ebidensiya ang Pimentel subcommittee at hiniling na kung maaari na nitong ihinto ang proceedings at “endorse the matter to the Office of the Ombudsman”.

Si Vice President Binay mismo ang nag-akusa na ang tunay na layunin ng imbestigasyon ay ang bawasan ang malaking pangunguna na matagal na niyang tinatamasa sa mga survey sa napupusuang pangulo ng sambayanan sa 2016. Ang pangunguna ni binay na 41% noong Hunyo ay bumaba sa 31% noong Setyembre at maaaring bumaba pa. Sa isa pang survey ng iba pang organisasyon noong isang linggo, gayunman, ay nagsabi na ang pagbaba ay hindi gaanong malaki gaya ng pinangangambahan – bumaba lang sa 29%. Si Binay pa rin ang nangungunang presidential candidate, na higit pa sa pangalawang puwesto na 13%.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang Vice President – hindi na sa subcommittee ni Pimentel – ngunit tumanggi si Binay sa imbitasyon, sinabi na magiging masama itong pamarisan kung saan maaaring iharap ng mga senador ang Vice President sa kahihiyan sa isang Senate hearing. Mas ninais niya ang isang one-on-one na pakikipagdebate kay Sen. Trillanes na pansamantalang nakatakda sa Nobyembre 27, ngunit nakansela rin iyon. Dahil wala pang natatanaw na public forum, ang proseso ng hudikatura lamang ang nananatili.

Kahit si Pangulong Aquino ay tumangging gumawa ng anumang desisyon tungkol kay Binay bilang miyembro ng Gabinete. Matapos magpahayag ng kritikal na pangungusap ang Vice President tungkol sa administrasyon, sinabi ng Panguno na malayang makaaalis si Binay sa Gabinete. Ngunit agad namang sinabi ni Binay na nirerespeto niya ang Pangulo at magpapatuloy siya sa pagiging team player. Sa sumunod na araw, itinalaga siya ng Pangulo na pamunuan ang isang housing program para sa mga survivor ng supertyphoon Yolanda.

Dahil sa mga pangyayari, mas mainam pa na tumalima sa rekomendasyon ni Sen. Santiago na ibigay ang kaso sa Office of the Ombudsman. May iba pang isyu na kailangang tutukan ng Senado – ang Malampaya Fund, halimbawa, ang mga reklamo ng mga survivor ng Yolanda na wala pa ring matirhan, pati na ang maraming kaso sa pork barrel na kinasasangkutan ng iba pang mambabatas at Janet Lim Napoles, atpb. Kalaunan, kahit na ang mahahalagang kasong ito ay malilimutan kapag nagsimula na ang kampanyahan para sa 2016 elections.