Itinala ng Team Unicorns ang ikalawang matinding upset na panalo Linggo ng maulan na umaga matapos pataubin ang nagtatanggol na kampeong PHILAB, 6-5, sa klasikong 11th inning na labanan sa unang araw pa lamang ng 2nd PSC Chairman’s Baseball Classic sa makasaysayang Rizal Memorial diamond.

Hindi naging sagabal ang malamig na patak ng ulan kay Carlos Alberto Muñoz upang paliparin nito ang bola diretso sa centerfield palabas ng ballpark upang tapusin ang nakakapagod na laban na kinailangan na ipagpatuloy matapos na abutan ng dilim noong Sabado at nadagdagan pa ng dalawang extra inning.

Una munang nagtabla ang laban sa 5-all matapos ang regulasyon na 9th inning bago na lamang itinala ng Unicorn ang klasikong panalo kontra sa 1st PSC Chairman at PSC Commissioner Cup champion PHILAB sa ika-11 inning.

Isinagawa ng PHILAB sa tulong ng pitcher na si Darwin Dela Calzada ang double play sa bottom ng 11th inning para umasang maitulak muli sa dagdag na inning ang laban bago na lamang naisagawa ng Unicorns ang matinding upset tungo sa una nitong panalo sa tulong ni Muñoz.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Tangan ng Unicorns ang 2 outs at kargado ng 1 ball at 2 strikes, nagawang masapol ni Muñoz ang ikaapat na pitch ni Dela Calzada na diretsong tumawid sa gitna ng diamond upang kumpletuhin nito ang solong homerun at agad na palasapin ng kabiguan ang binubuo ng mga dating national player na PHILAB.

“It was a classic baseball match,” nasabi lamang ni 2nd PSC Chairman’s Cup Tournament Director Arsenic Laurel. “One more pitch for one more out with the batter having two strike, akalain mong masasapul,” sabi pa ni Laurel.

Bunga ng panalo ay nakasama ng Unicorn sa liderato ang ILLAM na nagwagi sa ADMU Juniors, 10-9, pati na ang Rizal Technological University (RTU) na binigo ang Throwback, 7-5.