Nagbabala ang isang opisyal ng Quezon City laban sa mga counterfeit bill na karaniwang naglilipana tuwing papalapit ang Pasko.
Dahil dito, nanawagan si Tadeo Palma, secretary sa Office of the City Mayor, sa pulisya na maging alerto laban sa mga sindikato na nasa likod ng pamemeke ng salapi.
“Nakakaawa ang mga saleslady at cashier, na sa kabila ng kanilang kakarampot na sahod, ay binabawasan pa ng suweldo matapos malusutan ng mga pekeng pera,” pahayag ni Palma.
Hinikayat nina City Councilor Allan Benedict Reyes, Jesus Manuel Suntay at Victor Ferrer ang lahat ng may-ari ng establisimiyento na gumamit ng “bill verifier” upang maiwasang mabiktima ng mga sindikato na namemeke ng pera.
Sinabi ni Reyes na marami na silang natanggap na reklamo mula sa mga negosyante hinggil sa pagkalat ng mga pekeng pera kaya tinawag nila ang pansin ng lokal na pulisya upang tutukan ang isyu.
Aniya, karaniwang nabibiktima ng mga sindikato ng pekeng pera ang mga tiangge, sari-sari store at iba pang maliit na establisimiyento.
Pinayuhan ni Reyes ang mamamayan na maging mabusisi tuwing makatatangap ng P100, P200, P500 at P1,000 bill.