Narito ang huling bahagi ng ating paksa tungkol sa mga dahilan kung bakit mainam na maging best friend ang kapatid mong babae.
Habang humahakbang ang panahon, minsan nahihirapan tayong maging malapit sa ating kapatid na babae. Maaaring mayroong pagtatalo o dagat sa pagitan ninyo ngunit kapag kailangan mo na ang iyong ate, maaasahan mo siyang darating na parang walang mga araw na lumipas na magkahiwalay kayo. Kaya narito ang ilan pang dahilan kung bakit mainam na gawin mong best friend ang kapatid mong babae:
- May masasandalan. - Kapag may pumanaw sa pamilya, maaasahan mo ang suporta ng kapatid mong babae. Mapagmalasakit ang kapatid na babae, nagpapakita ng tunay na emosyon. Dahil dito, mararamdaman mong hindi ka nag-iisa sa iyong pagdadalamhati. Madaling pasanin ang kapighatian kung may karamay ka sa iyong pagluluksa. Maaasahan siya sa mabibigat na responsibilidad kahit tapos na ang paglilibing. Naroon palagi ang ginhawa factor na idinudulot ng kapatid na babae sa panahon ng kalungkutan na walang sinuman ang maaaring pumalit.
- Walang kapantay na yakap. - May mga yakap sa buhay na totoong nakakailang, tipong nakayapos ka nang matagal sa hindi angkop na lugar. Kapag sa kapatid mong babae, natural lang iyon, tunay at wagas. Maaaring yakapin mo ang iyong kaoatid na babae kahit walang dahilan maliban sa pagmamahal mo sa kanya. Hindi siya aalma kahit may amoy ka pa.
- Ang totoong ikaw. - Puwersado kang ipakita ang totoo mong sarili sa harap ng iyong kapatid na babae. Kapag iba ang ikinikilos mo, siya ang unang pupuna sa iyo. ano pa ang saysay ng pagkukunwari mo kung hindi ka naman kapanipaniwala? Kaya nga madaling ipakita ang totoong ikaw sa harap ng kapatid mong babae, pati na ang totoo mong damdamin. Kahit may tampuhan kayong dalawa, maaari kang magpunta sa kanya na hindi ka naman tatanggihan. Malaya ninyong mapag-uusapan ang problemang namagitan sa inyo at tapusin sa tawanan.