Ngayong lalong lumalabo ang pagkakaloob ng emergency power kay Presidente Aquino, lalo namang sumisidhi ang pag-usad ng mga mungkahi mula sa iba’t ibang sektor upang maibsan ang ating problema sa kakulangan ng kuryente o enerhiya. Ang planong kapangyarihan para sa Pangulo at ang hangarin ng sambayanan ay kapuwa nakatuon sa pagkakaroon ng sapat na elektrisidad na tutugon sa sinasabing matinding energy crisis sa susunod na taon.
Ang emergency power para sa Pangulo ay makatutulong sana nang malaki sa paglutas ng napipintong energy crisis; magkakaroon siya ng kapangyarihan upang madagdagan ang mga planta ng kuryente na ngayon ay hawak ng malalaking negosyante.
Kaugnay nito, dapat nating ikatuwa na hindi iilang mambabatas ang nagsulong ng panukala na paandarin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na matagal nang ulanin at arawin sa nasabing lalawigan. Sa pagkakataong ito, nais nila na ito ay gamitin bilang 1,000 coal-fired power plant na inaasahang makalulutas sa energy crisis. Ito ang pinakamabuting paraan upang pakinabangan ang naturang planta na ginugulan ng 53 bilyong piso. Ang BNPP ay nananatiling ‘white elephant’ dahil sa pagtutol ng ilang mambabatas at ng mga opisyal ng gobyerno.
Iisa ang dahilan ng pagbabangayan ng mga awtoridad hinggil sa mistulang pagpapabaya sa naturang planta: Na ito ay ipinatayo ng rehimeng Marcos na sinasabing nakulapulan ng mga alingasngas. Maliwanag na hindi nila nakita ang mabuting ibubunga ng BNPP. Ngayon sila nagkukumahog upang pairalin ito lalo na ngayon na tayo ay ginigiyagis ng matinding kakulangan ng kuryente.
Isa pa, hindi iilang dayuhan ang nagpatunay na ang naturang planta ay pakikinabangan, lalo na kung ito nga ay gagawing coal-fired energy source. Katunayan, may mga mamumuhunang Japanese at Korean ang naghahangad na ito ay paandarin kaysa pabayaan na lamang. At ito ay pamamahalaan nila nang walang gagastusin ang gobyerno.
Kalimutan na natin na ang BNPP ay ipinatayo ng kinasusuklaman nilang martial regime. Dapat mangibabaw ang kapakinabangan ng sambayanang Pilipino.