Ipinag-utos ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. ang imbestigasyon kaugnay ng pagpatay ng Abu Sayyaf sa anim na sundalo sa Sumisip, Basilan.
Kinilala ni Catapang ang mga nasawi na sina 2nd Lt. Jun Corpuz, 22, tubong La Union at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2014; Sgt. Tranquilino Hermano, ng Aleosan Cotabato; PFC Rolando BayosEmpera Jr. at PFC Freddie Pandoy, kapwa taga-Barangay Dualling, Aleosan, Cotabato; PFC Raffy Canuto, ng Bgy. Panaod, Sultan Kudarat; at PFC Mark Anthony Singson, ng Pigkawayan, North Cotabato.
Si Corpuz ang bread winner ng kanyang pamilya na pangarap din umano na maging miyembro ng Army Scout Ranger.
Sinabi ni Catapang na nais niyang mabatid kung nagkaroon ng pagkukulang sa hanay ng mga opisyal ng 104th Army Brigade sa Basilan.
Ikinalulungkot ni Catapang ang pagkalagas ng anim na tauhan ng militar kaya mahalaga aniyang mabatid ang mga sirkumstansiya ng marahas na insidente.
Inihayag din ni Catapang na ipinauubaya na niya sa pamunuan ng Western Mindanao Command ang imbestigasyon sa nangyari.