Iprinisinta ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa harap ng mga lokal na opisyal ng Mindanao ang pambansang programa ng kagawaran upang tulungan ang mga local government unit (LGU) sa pagbibigay ng mas mabuti at mabilis na serbisyo.

Sa League of Municipalities of the Philippines (LMP) Mindanao Island Cluster Conference sa Oxford Hotel sa Clark Freeport, Angeles City, Pampanga noong Martes, inihayag ni Roxas na bibili ang DILG ng mahigit 2,000 bagong patrol car sa susunod na dalawang taon upang ipamahagi sa lahat ng munisipyo sa bansa kasabay ng pahayag na sinimulan na ang proseso para sa bidding ng 400 bagong fire truck.

“Makikipag-ugnayan kami sa inyo upang matukoy ang mga munisipyo na wala o luma ang mga patrol car at fire truck para sila ang unang makinabang sa programa,” ani Roxas.

Magpapamigay din ang DILG ng Disaster Preparedness Checklist bilang bahagi ng Oplan Listo ng kagawaran na tinipon mula sa pinakamabubuting praktis ng iba’t ibang LGU sa paghahanda sa mga kalamidad.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Buong pagkakaisa ring idineklara sa isang resolusyon ng 1,490 alkaldeng miyembro ng LMP si Roxas bilang “lalaki na may dangal, integridad at walang bahid ang reputasyon na angat ang mga katangian at hindi pagdududahan.”

Pinuri rin nila si Roxas sa pagpapalawak sa “Grassroots Participatory Budgeting Process” na magkakaloob ng kapangyarihan sa LGUs na magpatupad ng mga lokal na proyektong popondohan ng gobyerno na may konsultasyon sa civil society organizations.

“Gawin ninyo ang tama. Gawin ninyo ang tuwid. Gawin ninyo ang serbisyo sa publiko kundi ay reresbakan namin kayo [ng Pangulo],” dagdag ni Roxas upang tiyakin sa LGUs na kasama sila sa mga wastong reprorma ng gobyerno.