Sa isang pambihirang pagkakataon, nagsama ang mga kongresista ng oposisyon at administrasyon sa pagbibigay papuri kay Pangulong Aquino nang ihayag nitong na wala na siyang balak tumakbong muli sa 2016.
Sinabi ni ABAKADA party-list Rep. Jonathan Dela Cruz, miyembro ng House independent bloc, na mas matututukan ni Aquino ang santambak na problema na hinaharap ng bansa sa pagdeklara nitong hindi na tatakbo sa 2016 presidential polls.
“Maganda ito na tinuldukan na niya (PNoy) itong maling inisyatibo ng kanyang mga tagasuporta,” giit ni Dela Cruz.
Iginiit ni 1-BAP party-list Rep. Silvestre Bello III, miyembro ng minority bloc, ipinamalas ni PNoy sa kanyang pag-urong sa 2016 elections na siya ay “truly worthy son” ng itinuturing na Icon of Democracy ng bansa, ang ina nitong si dating Pangulong Corazon C. Aquino.
Ayon naman kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ng National Unity Party (NUP), maganda rin ang naging desisyon ng Pangulo dahil wala nang panahon upang baguhin pa ang constitutional ban sa pagtakbo muli ni Aquino bagamat ito ay patuloy na umaani ng mataas na approval rating sa iba’t ibang survey sa kanyang nalalabing 19 buwan sa Malacañang.