Mag-iisang taon na ang nakalipas mula nang dalawin ng napakalakas na bagyong Yolanda ang Samar at Leyte pero hanggang ngayon ay hindi pa lumalabas ang kaukulang budget para sa rehabilitasyon ng mga nasirang lugar. Ang mapanghahawakan na lang ng taumbayan lalo na ang mga nasalanta na, kahit paano, mangyayari rin ang rehabilitasyon sapagkt ang napiling magpapairal nito ay si dating senador Ping Lacson. Kamakailan, sinabi niya na P11 bilyon ang naibigay na para sa pagpapagawa ng mga bahay ng mga biktima ng bagyo.

Inilabas ito ng Department of Budget and Management (DBM) sa National Housing Authority (NHA) para ipatayo ang 205,128 bahay kasama ang pagbili ng mga tatayuang lupa. Karagdagan ito sa P39 bilyon na nauna nang ibinigay ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na kasama sa rehabilitasyon, wika ni Lacson. Hinihintay ko pa aniya na aprubahan ang P170.9 bilyon budget para sa plano ng rehabilitasyon na isinumite ko na sa Pangulo. Ang mga plano raw para sa Samar, Leyte, Cebu at Tacloban ay naaprubahan na at mabagal nga lang na pinaiiral ang mga ito. Inamin niyang napakalaking problema pa ang naghihintay dahil mahigit na isang milyong bahay pa ang kailangang ipaayos.

Ngunit kung gaano kalaki ang problemang nasa balikat ni Lacson, ganoon naman kaliit ang opisinang pinamumunuan niya para lutasin ito. Kaunti ang taong katuwang niya sa kanyang trabaho at hindi siya ang may tangan ng pondong pang-rehablitasyon. Ang kanyang tanging tungkulin ay magplano at pakilusin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ayon sa ginawa niyang plano. Napakalaki na rin bagay ito sapagkat nakasisiguro ang bayan na sa kanyang pamamahala ay magagastos sa tamang layunin ang kanilang pondo. Hindi ang gaya ni Lacson ang kikita sa miserableng kalagayan ng kanyang kapwa. Napakadali niyang gamitin ang kanyang PDAF noong senador pa siya, tulad nang ginawa ng kanyang kapwa, para kotongan at pagkakitaan, pero hindi niya ginawa ito. Hindi siya nagpayaman, na napakadali niyang gawin, nang siya ay hepe ng PNP. Kung matagumpay niyang nilabanan ang krimen noon, matagumpay niya ring maisasagawa ang rehabilitasyon sapagkat nasa likod niya ang taumbayan na mataas ang pagtingin sa kanya dahil sa kanyang magandang halimbawa.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa