Patuloy ang pagpapaunlad ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa Phil-JobNet upang mas madali itong magamit ng mga naghahanap ng trabaho at ngayon ay maaari na ring ma-download nang libre ng mga smartphone user mula sa Google Play Store, ayon kay DoLE Secretary Rosalinda Baldoz.
Aniya, ang web-based job matching facility at labor market information portal ng gobyerno, ang Phil-JobNet, ay kumonekta na sa mobile application system at nasa full operation na.
“The enhanced Phil-JobNet, complete with its enriched features, will enable jobseekers to efficiently look for the right job on a 24/7 basis, even while on the go. Jobseekers can just simply download and install the application at Google Play Store, and voila, they can instantly search for the best jobs with the use of their tablets and smartphones in seconds,” pahayag ni Baldoz.
Sa bagong mobile app, magiging updated ang mga user sa mga bagong iniaalok na trabaho sa Phil-JobNet, na nagpupuno ngayon ng mahigit 490,000 local at overseas na trabaho para sa 1.3 milyong nakarehistro sa website.
Kabilang sa mga in-demand na job vacancies ang cashier, sales and marketing assistance, sales clerk at office clerk.
Bukod sa paghahanap ng trabaho, tampok din sa Phil-JobNet app ang mga news article, career information resources, job searching tips, at schedule ng mga job fair.
Sinabi ng kalihim na ang Quantum X, Inc., isa sa limang katuwang ng kagawaran, ay lumagda noong Setyembre sa memorandum of agreement sa DoLE para buuin ang Phil-JobNet mobile application.
Sa ngayon, may 1,000 na ang nagdownload ng mobile app, at naitala ang approval rating na 4 sa maximum na 5 stars.
Gayunman, inirereklamo ng ilan ang bugs sa system, partikular kapag nag-eencode ng hinahanap na trabaho.
Tiniyak naman ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay, na nangasiwa sa development ng nasabing mobile app, na nireresolba na nila ang problema.
Hinikayat din niya ang mas maraming user na magsumite ng kanikanilang feedback sa BLE upang mas mapaganda pa ang system. (Mina Navarro at Samuel Medenilla)