Nakipagpulong si Pangulong Aquino sa mga miyembro ng Foreign Correspondents Association of the Philippines noong isang araw at nagbuhos ng kanyang pakadismaya sa ilang miyembro ng media ng Pilipinas na mahihiligin sa pagpapakalat ng negatibismo samantalang ang bansa, aniya, ay hitik sa positibong mga istorya.
Yaong mga kaalyado ng administrasyon ay malamang na sumang-ayon sa pahayag na ito, samantalang yaong nakakiling sa oposisyon ay maaaring magsabi na mas marami pang dapat iulat tungkol sa negatibong mga isyu tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at krimen.
Ngunit kailangang malaman ng dalawang panig na iniuulat lamang ng media kung ano ang nakikita nila sa bansang ito dahil, tulad sa iba pang bansa – ang Amerika – mayroon tayong probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing “no law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press...”
Dahil sa probisyong ito, maaaring maging ang isang publikasyon sa nais nitong maging - pro- o anti-goverment, pro- o anti-labor, pro- o anti-communist, pro- o anti-kahit na ano. Ang mahalaga ay hindi dapat hinahadlangan ang kahit na anong publikasyon sa nais o hindi nais nitong ilathala. Ito ang diwa ng press freedom – hindi hinahadlangan, hindi pinupuwersa.
Matinding pinaghahawakan ng ating media ang kalayaang ito ngunit, kasabay nito, naghahangad na maging karapat-dapat ito rito sa pamamagitan ng pagiging makatotohanan, nirerespeto ang mga karapatan ng mamamayan, ang pagiging patas. May ilang publikasyon ang mas matagumpay sa larangang ito kaysa iba.
Nakakikita ang ilan ng malaking kahalagahan ng paglalathala ng negatibong bagay tulad ng malawakang kahirapan, katiwalian sa gobyerno, at krimen. Ngunit may ilang publikasyon ang nakakikita ng mas malaking kahalagahan sa paglalathala ng positibong bagay tulad ng mataas na paglago ng ekonomiya, pagdagsa ng mga turista, at pagpapatayo ng mas maraming silid-aralan.
Kalaunan, ang sambayanang Pilipino pa rin ang magpapasya kung ano ang mahalaga para sa kanila. Nangyayari ito kapag bumoto na sila. Marami na silang impormasyon dahil sa media – na kapwa pro at con, ang mga taga-ulat ng parehong positibo at negatibong balita.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, tiniyak ng Pangulo na gagawin ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito na makapamunga ng mas maraming positibong development at iuulat ito ng ating malaya at responsableng press. Magkakaroon ng mas maraming positibong balita.