Nang ipasiya ng Korte Suprema ang pagdaraos ng plebisito sa Nueva Ecija, nawala ang mga balakid upang ang Cabanatuan City ay maging isang ganap na Highly Urbanized City (HUC) mula sa pagiging satellite nito. Dahil dito, itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Nobyembre 8 ng taong kasalukuyan ang naturang plebisito na lalahukan ng 1.3 milyong rehistradong botante ng nasabing lalawigan.
Matagal na sanang naging HUC ang naturang siyudad kung hindi tumutol ang ilang pulitiko na may makasariling hangarin. Nais nila na ang plebisito ay lahukan ng lahat ng botante sa lalawigan, sa halip na mga mamamayan na lamang ng Cabanatuan City. Isa itong malaking kabalintunaan. Magkakagayon man, naniniwala ako na higit na nakararaming botante sa Nueva Ecija ang sasang-ayon sa pagiging HUC ng nabanggit na siyudad. Bilang isang lantay ng Novo Ecijano, matagal na nating pinapangarap na maging HUC ang Cabanatuan City. Magugunita na ito ay isa pinakamatandang lungsod sa bansa na hanggang ngayon ay nanatiling isang satellite city. Napag-iiwanan na ito ng maraming HUC sa iba’t ibang sulok ng kapuluan.
Matagal nang natugunan ng pamunuan ng Cabanatuan City ang lahat ng pangangailangan o requirements upang ito ay maging isang HUC. Sapat ang taunang kita nito, labis-labis ang bilang ng mga mamamayan at aktibo ang mga opisyal sa pagpapaunlad ng siyudad. Matatagpuan dito ang malalaking kolehiyo at unibersidad na epektibong katuwang na pambansang pamunuan sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon. Naririto rin ang mga ospital na makabago rin ang teknolohiya. Katunayan, dito matatagpuan ang kauna-unahang ospital sa Luzon na nagsasagawa ng open-heart surgery o multiple bypass. Sa larangan ng agrikultura, kabilang ito sa umaani ng sapat na palay – isang bagay na katuwang sa pagiging rice granary ng Nueva Ecija.
At nag-iingat din ito ng malagim subalit makabuluhang kasaysayan. Maraming pagkakataon na ito ang naging tanggapan ng mga rebolusyonaryo. Hindi mapapawi sa kasaysayan, halimbawa, ang pagpaslang sa ating bayani na si Gen. Antonio Luna. Ngayon pa lamang, nababanaagan na ang katuparan ng pangarap ng mga Cabanatuaño: ang pagiging HUC ng ating siyudad.