Ito ang huling bahagi ng ating paksa hinggil sa maginhawang pagtitipid. Ipagpatuloy natin...
Maraming simpleng aktibidad na magpapasaya sa iyo na hindi mo kailangang gumastos nang malaki. Maraming libreng pelikula sa YouTube.com at iba pang free movies na website na maaari mong panoorin kaysa panonood ng sine sa mall na totoong magastos. Huwag kang padadarang sa komersiyo na nagmumungkahing kailangan mong gumastos nang malaki upang matamo ang hinahangad mong kasiyahan.
- Huwag hayaang maging obsesyon ang pagtitipid. - Tulad ng pagkahumaling ng ilan sa atin sa sugal at iba pang bisyo, maaari rin tayong maging obsessed sa pagtitipid. Mag-ingat lang na huwag mauwi sa pagiging miserable at gumugol ng napakaraming panahon para lamang makatipid ng kakaunting pera.
Mura ang bilihin sa Divisoria. Naroon kasi ang matinding kompetisyon ng mga negosyante at kung magaling ka sa tawaran, makukuha mo sa mas mababa pang halaga ang item na gusto mong bilhin. Ngunit napakalayo ng Divisoria sa aking bahay ay ang paglalakad lamang mula sa babaan ng jeep patungo sa pamilihan mismo ng Divisoria ay talagang tatagaktak ang mo dahil sa init at siksikan ng kapwa mga mamimili at mga tindero’t tindera ng kani-kanilang kalakal na nakakalat sa kalye. Kaya sa halip na maging miserable ako para lamang makatipid, pinagtiyagaan ko na lamang ang talipapa na malapit sa amin ma may diskuwento rin naman kahit hindi ganoon kamura. At least napantili ko ang katinuan ng aking isipan.
Dapat mo ring isipin ang pagiging praktikal. Pag-aralan kung sulit ba ang gagawin mong hakbang para lamang makatipid. Halimbawa: Kung nagtitipon ka ng diyaryo at ibebenta mo upang magkapera. Ngunit kung ikaw pa rin ang magdadala niyon sa junkshop upang ipakilo ng P5.00 kada kilo, babaliin mo lang ang gulugod mo nang kabubuhat ng bultu-bultong diyaryo at tatagaktak ng pawis mo sa kaparoo’t parito. Kaya maiisip mo rin, na bago ka maging miserable, bakit hindi na lang ikaw mismo ang magnegosyo ng por kilong diyaryo.