Rody Duterte

DAVAO CITY – Nagbaba si Mayor Rodrigo Duterte ng isa pang matapang na direktiba nang utusan niya ang mga pulis na barilin ang mga tricycle driver na matitigas ang ulo at patuloy na nilalabag ang mga batas-trapiko.

Sa kanyang regular na TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” nitong Oktubre 19, sinabi ni Duterte na dapat na istriktong ipatupad sa siyudad ang mga batas-trapiko, partikular sa mga tricycle na dumadaan sa national highway.

“May baril naman kayo. Kung maaalanganin ang inyong buhay, kung tatagain nila kayo, barilin n’yo sila,” sinabi ni Duterte sa lokal na diyalekto, idinagdag na dapat na agad na ipaalam sa kanya ang pagbaril upang mabigyan niya ng abogado ang pulis na namaril.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Iginiit ng alkalde na kinakailangan ang matapang na pagpapatupad ng batas para maisulong ang disiplina at para maipakita sa publiko na dapat na tumutupad sa batas ang lahat.

“Ang lahat ng tricycle na bibiyahe sa national highway simula noong Linggo, Oktubre 19, ay kukumpiskahin,” utos ni Duterte.

Ang paghihigpit ni Duterte sa mga tricycle sa national highway ay kasunod ng pagsasalpukan kamakailan ng isang bus at isang tricycle, na ikinamatay ng dalawang katao.

Ayon sa CCTV footage sa checkpoint ng Task Force Davao sa Sirawan, bigla na lang lumihis sa kanyang lane ang isang tricycle at dire-diretsong sumalpok sa kasalubong na bus sa kabilang lane; nagliyab ang tricycle at nasawi ang driver at ang nag-iisang pasahero nito.

Sinabi ni Duterte na hindi aksidente ang nangyari, kundi isang kaso ng sasakyan na hindi dapat na nasa national highway. (Alexander D. Lopez )