Walang balak si Vice President Jejomar C. Binay na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee hinggil sa isyu ng “overpriced” Makati City Hall Building 2 sa kabila ng resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsabing 79 porsiyento ng mga Pinoy ang nais siyang sumipot sa hearing.
Sa isang statement, sinabi ni Cavite Gov. Jonvic Remulla, tagapagsalita ni VP Binay, mas nanaisin ng bise president na dumirekta na lamang sa mga tao sa pagtalakay sa mga isyu na ipinupukol sa kanya, tulad nang kanyang ginawa sa kanyang pagbisita sa Bataan, Zambales at Mindanao kamakailan.
“There are other venues where the Vice President can address the baseless allegations and lies—venues where there is no other agenda except arriving at the truth,” aniya.
Sinabi ni Remulla na nawalan na ng tiwala si Binay sa proseso sa Senado nang husgahan na ng ilang senador sa alegasyon ng katiwalian laban sa kanya.
“It would be futile to dignify such farcical proceedings and subject himself and his family to ridicule,” pahayag ni Remulla.
Inakusahan ni Remulla sina Senator Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano na pamumulitika lamang sa kanilang pagdidiin kay Binay sa mga isyu ng katiwalian dahil ang dalawa ay puntirya rin umano ang pampanguluhan sa 2016. - JC Bello Ruiz