Pinilit ng Philippines Under-17 Girls volley team na malampasan ang halos dekadang panahong dominasyon ng South Korea sa pagpapamalas ng masidhing labanan subalit sadyang hindi nila kinaya tungo sa masaklap na 0-3 kabiguan sa semifinals ng 10th Asian Youth Girls Volleyball Championship sa Nakhon, Ratchasima, Thailand.
Ipinamalas ng PH Girls Team ang buong tapang at sidhi ng pakikipaglaban na naging dahilan upang suportahan sila ng Thailand sa MCC Hall Convention Center subalit kinapos pa rin kontra sa Korea, 15-25, 16-25, 12-25.
“With Thailand cheering us against Korea, it only showed that we have gained the respect of other countries in the volleyball community. Our girls have shown that soon, we can be at their level,” sinabi ni Philippine Volleyball Federation (PVF) President Geoffrey Karl Chan.
Inamin naman ni Chan na lubhang mabigat na kalaban ang South Korea ngunit naniniwala siya na may tsansa ang mahigit isang linggo pa lamang nabuong PHI Girls team na nakatakda pang lumaban sa classification round para sa ikalima hanggang ikawalong puwesto.
“I know that the team will be the future of the Philippine volleyball. Mas malaki sana ang chance kung medyo matagal silang nagkasama-sama. Nagpapasalamat kami sa tumulong at sumuporta sa kanila na SM at Shakey’s at maging si Engr. Mariano See Diet.
Makakalaban ng PH Girls Team ang Kazakhstan na nabigo naman sa ikatlong labanan sa quarterfinals.
Sakaling magwagi sa Kazakhstan, sunod na sasagupain ng PH Girls U17 ang magwawagi sa pagitan naman ng una nitong tinalo na New Zealand at ang Chinese Taipei.
Matatandaan na tumapos ang Pilipinas na nasa ikatlong puwesto sa Pool E upang makatapat nito ang South Korea sa matira-matibay na labanan para makatuntong sa semifinals.
Una nang tinalo ng Pilipinas ang New Zealand, 25-11, 21-25, 25-5, 25-14, sa unang pagkakataon nito sa torneo matapos na magbalik sa internasyonal na kompetisyon makalipas ang anim na taon.
Tanging natalo ang Pilipinas sa China sa straight sets sa preliminary round, 25-15 25-18, 25-10, bago nabigo sa unang laro sa quarterfinals kontra sa Thailand, 15-25, 12-25, 15-25.