Posibleng hindi makasama ang mga manlalaro ng beach volley team sa delegasyon ng Pilipinas sa gaganaping Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.

Ito ay matapos na bigyan ng taning ni Philippine Chef de Mission Richard Gomez ng hanggang sa susunod na linggo ang namumuno sa beach volley team ng Philippine Volleyball Federation (PVF) upang kumpirmahin ang ipadadala nilang mga manlalaro para sa kada dalawang taong torneo.

“I have talk to them that we only have one week to present the men’s and women’s team because we already pass the deadline for the delegation,” sinabi ni Gomez matapos dumalo sa magarbong pagbubukas kahapon ng 2014 Philippine Super Liga sa Araneta Coliseum.

Ipinaliwanag ni Gomez na kailangan nilang itakda ang ultimatum para sa pambansang koponan upang makumpleto na rin nila ang mahigit sa 120 delegasyon ng Pilipinas na sasabak sa torneo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Aalis na ang buong delegasyon sa Nobyembre 8 pero hindi pa rin nila napipinalisa ang line-up,” giit ni Gomez.

Napag-alaman naman sa isang opisyal ng PVF na kumpleto na ang komposisyon ng women’s volley team subalit ayaw nilang maglaro sa coach na hahawak sa kanila.

Napapayag na sana ng PVF ang paglalaro ni Jaja Santiago at Nerissa Bautista at Dindin Santiago at isa pa subalit kapwa umayaw ang dalawang koponan matapos malaman na ang hahawak na coach ay isang consultant mula sa Philippine Sports Commission (PSC).

Umaasa naman si Gomez na makakaya ng delegasyon na makapaguwi ng tatlong gintong medalya na magmumula sa jet ski, windsurfing at parasailing.