Mahigit sa 500 nurse ang nagmartsa mula España Boulevard hanggang Mendiola Bridge sa Manila upang iprotesta ang umano’y pagkamanhid ng gobyerno sa kanilang miserableng kalagayan, partikular sa isyu ng mababang sahod at kawalan ng oportunidad sa trabaho.
Suot ang pula at itim na armband, pinangunahan ng Alliance of Health Worker (AHW) ang grupo ng mga nurse sa pagsusulong sa dagdag sahod sa kanilang grupo at mas maraming mapapasukan ng trabaho sa bansa upang hindi na ang mga ito mapuwersa na mangibangbansa.
“Ang dapat na sahod ng mga nurse sa mga ospital ng gobyerno ay P25,000 subalit ang reality, nakatatanggap lamang ang mga ito ng P18,600. Sa mga pribadong ospital, hindi rin umaabot sa minimum range ang kanilang sahod,” pahayag ni AHW President Jossel Ebesate sa panayam.
Aniya, mayroon ding mga nurse na nakatatanggap ng P4,000 hanggang P5,000 lang kada buwan sa full-duty service habang ang iba ay sumasahod ng P12,000.
“We have lodged our complaint with the Department of Labor and Employment (DOLE) but they could not do anything about it,” dagdag ni Ebesate.
Nagmartsa rin ang mga grupo ng Nurses for Change Movement, Nars AT Bayan. Sinabayan ang rally sa Manila sa iba pang siyudad tulad ng Baguio, Iloilo at Davao. - Jenny F. Manongdo