Ni TARA YAP

ILOILO CITY— Isang magdadalawang taong gulang na lalaki mula sa bayan ng Pandan, Antique ang nadiskubre ng mga doktor na “buntis”.

Sinabi ni Dr. Romelia Mendoza, isang pediatrician, na ang mahirap paniwalaang kondisyon ng paslit ay mas kilala sa mundo ng medisina bilang “fetus in fetu,” kung saan nagkaroon ng abnormal na paglaki ng isang fetus sa loob ng katawan ng isang tao.

Sinabi ni Mendoza na ang patay na fetus ng batang hindi na pinangalanan ay posibleng kakambal nito. Upang hindi malagay sa peligro ang kalusugan ng paslit ay dapat na isailalim sa operasyon para maalis ang patay na fetus.

National

Giit ni Romualdez: Trahedya ng Bagyong Yolanda ‘di na raw dapat maulit

Ang paslit ay kasalukuyang naka-confine sa West Visayas State University Medical Center sa Iloilo City at ito ay nakatakdang operahan sa Oktubre 20.

Napansin ng mga magulang ng bata na lumalaki ang tiyan nito simula noong 2013. Humingi sila ng tulong medikal subalit nang manalasa ang bagyong “Yolanda” noong Nobyembre 2013 ay nawasak ang kanilang bahay sa Pandan, Antique.

Dahil sa kapos sa salapi, nagdesisyon ang magulang ng paslit na ipagpaliban na lamang ang operasyon.

Subalit kamakailan, hindi na natiis ng ina ng bata na makita itong namimilipit sa sakit sa tiyan at hirap nang huminga.

Noong Oktubre 15, dinala ng magulang ng paslit ito sa Iloilo City upang magpatingin sa espesyalista.