Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng Simbahang Katoliko at ng iba pang pro-life sector, matindi pa rin ang mga panawagan hinggil sa muling pagpapairal ng parusang kamatayan o death penalty. Bunsod ito ng sunud-sunod na pamamaslang na malimit isagawa ng mga kriminal na riding-in-tandem; bukod pa rito ang walang pakundangang panghahalay na kung minsan ay isinasagawa naman ng mga ama sa kanilang sariling supling.

Sa harap ng ganitong nakaririmarim na mga krimen, naniniwala ako na ang death penalty ay isang epektibong hadlang sa maiitim na balak ng mga kampon ng kasamaan. At ito ay kailangang muling ipatupad kaagad habang hindi pa nagiging talamak ang mga pagpatay, pagkalulong sa droga, pandarambong sa salapi ng bayan at iba pang kasumpa-sumpang krimen.

Magugunita na noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang parusang kamatayan ay pinawalang-bisa at pinalitan ng habambuhay na pagkabilanggo. Sinasabing pagpapunlak ito sa kahilingan ng mga grupong relihiyoso at ng pro-life. Ang kanilang paninindigan ay nakaangkla sa kawikaan na ang Diyos lamang ang may kapangyarihang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha. Subalit kapuna-puna na lalong giniyagis ng talamak na kriminalidad ang mga komunidad; lalong namayagpag ang mga kriminal at walang pinatatawad sa kanilang pamamaslang. Pati ang ating mga kapatid sa media ay hindi pinaliligtas ng karahasan. Hindi na mabubura sa kasaysayan ng pamamahayag o peryodismo sa bansa ang nakakikilabot na pagpaslang ng mahigit na 30 miyembro ng media sa Maguindanao massacre. Marami nang pagkakataon na ang death penalty ay naging hadlang sa iba’t ibang krimen. Noong patayin sa pamamagitan ng firing squad ang sinasabing drug lord na si Lim Seng, halos nalipol ang mga sindikato ng mga bawal na gamot. Noong bitayin naman sa pamamagitan ng silya elektrika ang mga gumahasa sa isang sikat na artista, wala nang iniulat na rapist sa lipunan.

Kung sakaling bubuhayin ang parusang kamatayan, kailangan lamang tuluy-tuloy at lalong paigtingin ang pagpapatupad nito. At ito ay tambalan ng totohanang pagpapairal naman ng tunay na criminal justice system upang lalong tumindi ang paghadlang sa kriminalidad sa bansa.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez