TARLAC CITY – Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko na iwasan muna ang paghahango at pagkain ng tahong at talaba mula sa baybayin ng Bataan makaraang magpositibo ito sa red tide.
Apektado ng ban ang mga bayan ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Orani, Abucay, Samal at Balanga City.
Ayon kay BFAR-Central Luzon OIC Director Wilfredo Cruz, batay sa huling shellfish bulletin ng ahensiya noong nakaraang linggo, ang kasalukuyang red tide toxin level ng nakuhang samples ng tahong at talaba ay umabot sa 68-25ugSTXeg /100g, lubhang mataas sa 60ugSTXeg/100g na tolerable limit.
Gayunman, sinabi ni Cruz na ligtas kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango na mahahango sa lugar basta sariwa ito, nahugasan nang mabuti at naalisan ng lamang loob.