Kailangan pa ng karagdagang pasensiya ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) bago matanggap ng mga ito ang kani-kanilang allowance mula kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada dahil sasalain pa ng alkalde ang listahan ng mga bugok na pulis.

“Malapit na naming ibigay. Iniipit ko lang dahil may mga ulat na ilang pulis ang sangkot sa pangongotong.

Ang mga bugok ay hindi dapat makatanggap ng allowance,” pahayag ni Mayor Erap sa panayam.

Sa nakalipas na mga linggo ay ilang pulis ang nasangkot sa pangongotong, kabilang ang pitong miyembro ng Anti-Carnapping Unit ng MPD na inakusahan ng extortion ng isang Pakistani.

Probinsya

Tindero ng isda, ninakawan ng halos <b>₱30k matapos makatulog sa harapan ng palengke</b>

Ilang miyembro ng tinaguriang “Manila’s Finest” ang nagpahayag ng pagkainip sa pagkakaantala ng pagpapalabas ng kanilang P2,500 na buwanang allowance.

“Nagbibilang na kami ng ilang linggo dahil nakatanggap kami ng impormasyon na sa pagtatapos ng linggo, ito ay ibibigay na. Wala pa rin kaming natatanggap hanggang ngayon,” ayon sa isang pulis-Maynila na tumangging magpakilala.

Noong Abril, nagpalabas si Estrada ng apat na buwang allowance sa MPD na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P27.895 milyon. - Jenny F. Manongdo