ITO ang sinisigaw ng isang grupo na naglalayong mangalap ng 8 milyong lagda sa buong bansa upang kumbinsihin si PNoy na kumandidato muli bilang pangulo kahit pa ipinagbabawal ng kasalukuyang Saligang Batas, article Vii Section 4, dahil limitado lang sa anim na taon ang termino nito, na magwawakas sa Hunyo 30, 2016. ito ang pambusal ng nasabing kilusan sa lumabas na survey, mayorya ng Pilipino kontra sa kanyang pangalawang termino, kahit pa anak siya ni Cory Aquino.
Natarakan ng swerong-gasolina at tuloy ginanahan tumakbo ang makinarya ng mga maka-dilaw pagkatapos na magpahele-hele si PNoy na “Makikinig siya sa mga boss niya” tungkol sa isyu. Duda ko, pakana ito ng mga KKK (kaklase, kabarilan, kaibigan) at idagdag ko, kakarambola, na manatili si PNoy sa kapangyarihan upang makaiwas mapanagot ng batas sa ilalim ng susunod na pamahalaan. Siguradong swak ang mga taong ito na lumabag sa batas at magiging kakosa ng mga senador na sinipat nilang ipakulong. ganun talaga ang mundo, bilog. ang kapalaran ay tabletabla, hindi lang weather-weather. Baka ang susunod na pangulo ng bansa, kapag swerte, malapit sa mga aquino. Siyempre, andyan ang milagro ng “Hocus-PCOS”, kaya dapat huwag asarin ang nakaupong pangulo para may tsansang magwagi – legal man o hindi ang pagkakaupo sa Malakanyang lampas 2016.
Samakatuwid, baka si PNoy lang ang medyo maaliwalas ang kinabukasan? Habang ang kanyang mga alipores ay, wika nga, ibabalato sa bagong administrasyon, para kungyari serbisyong “Mr. Clean”. Sa ganitong pangitain, talagang magkakandarapa ang gabinete, senadores, kongresman atbp. na mapanatili si PNoy, upang huwag makasuhan ng pandarambong, at para hindi humimas ng malamig na rehas. Sa ngayon, kapansin-pansin ang panawagan ng ilang sektor na bumaba si PNoy hal. Resign Aquino Now (RAN), National Transformation Council (NTC) na may bigating mga obispo, ministro at pastor na kaalyado. ang sa akin, sigurado tayong hindi bababa si PNoy. Hindi rin niya isusuko sa bayan ang kanyang mas dambuhalang “pork barrel” kasabwat sa kongreso/senado. Kaya ang paghihimok ko ay – sige – isa pa! Tumakbo pa siya. Maneobrahin nila ang Konstitusyon. Mananalo siya. ito na ang hudyat ng hangganan ng pagtitimpi natin. Laban!