Maglalaan ang gobyerno ng malaking subsidiya para sa pagsisimula ng Bangsamoro sub-state kahit pa kakarampot lang dati ang kinikita sa buwis ng rehiyon.

Sinabi noong Martes ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio “Butch” Abad sa House ad hoc panel na tumatalakay sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na magkakaloob ang gobyerno ng P47-bilyon subsidiya para sa unang anim na taon ng rehiyon.

Aniya, ang nasabing pondo ay pangunahing gagamitin sa “operational expenses,” at umaasa ang gobyerno na sa nasabing panahon ay makatatayo na sa sariling mga paa ang Bangsamoro sa pamamagitan ng koleksiyong buwis at mga inaasahang investments.

Sinabi ni Abad na sa P47-bilyon subsidiya ay P29 bilyon ang ilalaan sa Annual Block Grant, may Special Development Fund na nasa P17 bilyon, at P1 bilyon para sa transition fund.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kaugnay nito, may 23,000 kawani ng gobyerno sa ARMM ang malaki ang posibilidad na mawalan ng trabaho kapag naitatag na ang pamunuan ng Bangsamoro.

Inamin ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Robert Martinez na malayang pipili ang bagong regional government ng mga bago nitong empleyado.

Sinabi ni Martinez na sa 23,000 kawani na maaapektuhan sa pagpapalit ng regional government ay 18,000 ang guro. Idinagdag niyang maaaring mag-apply ang mga ito sa bagong pamahalaan.

Nilinaw naman ni Senen Bacani, miyembro ng Government Republic of the Philippines (GRP) panel, na hindi intensiyon ng BBL ang pagkawala ng trabaho ng libu-libo sa rehiyon, umaasang hindi naman ito pahihintulutan ng bagong pamunuan ng Bangsamoro. - Ellson A. Quismorio