ALBAYROADMISHAP.ALBAY.NINOLUCES.10052014.001

LEGAZPI CITY, Albay – Tatlong bata at isang dalawang buwang buntis na guro ang nasawi at 38 iba pa ang nasugatan nang mawalan ng kontrol at tumagilid ang isang pampasaherong bus sa national highway ng Barangay Kimantong sa Daraga, Albay, kahapon ng umaga.

Kinilala sa report sa tanggapan ni Senior Supt. Marlo S. Meneses, Albay Police Provincial Office director, ang mga nasawi na sina Grace Ann Abrigo, 4; Maria Georgina Abrigo, 7; Ryan Abrigo, 8, pawang taga-Bgy. Salvacion, Pilar, Sorsogon; at Princess Dichoso y Ladenes, 26, guro sa pampublikong paaralan sa Bgy. Capoy, Sorsogon City.

Ayon sa imbestigasyon, dead on the spot ang magkapatid na sina Grace Ann at Ryan, habang hindi na umabot nang buhay sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital (BRTTH) ang kapatid nilang si Maria Georgina. Namatay naman bago malapatan ng lunas si Dichoso.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kinilala ng pulisya ang driver ng bus na si Romel Janer San Buenaventura, 43, ng Brgy. Pamurayan, Sorsogon City.

Sa panayam ng may akda kay San Buenaventura, sinabi niyang nawalan ng preno ang Don Don Liner bus habang nagmamaniobra siya sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Bgy. Kimantong.

“Pagdating ko po sa kurbada, may tricycle sa unahan, pero malayo pa po ‘yung distansiya ko, biglang lumambot ‘yung preno saka biglang bumilis ‘yung takbo ng sasakyan at hindi ko na makontrol,” kuwento ni San Buenaventura. “Apat na araw pa lang po akong umeekstra sa bus na ‘yun. Kasi dapat papalitan na ‘yung bus na ‘yun, kasi luma na.”

Batay sa report ng BRTTH-Health Emergency Management, sa 38 na sugatan sa aksidente ay 15 na ang nakalabas sa ospital. - Niño N. Luces