ANG Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) ay malaking banta sa western world, partikular sa US na nagiisang superpower ngayon sa mundo na binubuntutan ng bagong gising na dambuhalang China. Binomba ngayon ng US attack planes kasama ang apat na alyadong mga bansa sa Middle East sa pangunguna ng Saudi arabia, ang mahahalagang targets at lugar na pinaghaharian at pinagkukutaan ng mga militang miyembro ng ISIS. Malaking bahagi ng Syria ang okupado na ng ISIS na sumasaklaw din sa Iraq.
Sa Pilipinas, ang ISIS ay pinangangambahan na ring makapasok at kumalat lalo na sa Mindanao. Maging si ex-Pres. Fidel V. ramos ay naghayag na batay sa kanyang impormasyon, may 100 taga-Mindanao ang na-recruit na para magsanay sa Iraq at Syria. Ganito rin ang pahayag ni Davao City Mayor Rudy Duterte na may 200 taga-davao City naman ang umanib at nakikisimpatiya sa ISIS. Kailangang kumilos ang AFP sa pamumuno ni Gen. Gregorio Pio Catapang upang masubaybayan ito sapagkat malaking panganib ito na baka mahigit pa sa bangis at lupit ng Al Qaeda ni Osama Bin Laden.
Sa amin sa Bulacan, ang “isis” ay isang puno o halaman na ang katumbas o synonym ay “pakiling”. Ginagamit ang mga dahon ng isis o pakiling na pampakinis ng kahoy na upuan, mesa, at iba pang magagalas na bagay. So, ang ISIS sa Middle East ay iba sa “isis” sa Bulacan. Ang ISIS sa Gitnang Silangan ay naglalayong magtatag ng caliphate o Islamic State sa Syria at Iraq, at kapag nagtagumpay ay sa lahat ng bansang may mga Muslim. ang paiiralin ay Islamic law na lubhang mahigpit para sa mga mamamayan. Kapag lumabag ka sa batas nila, pugot kung ikaw ay dayuhan tulad ng nangyari sa dalawang US journalist at isang British aide worker.
Maraming kilalang tao, manunulat, abogado, negosyante at artista, ang sumulat at naglahad ng kanilang mapait na karanasan sa panahon ng martial law. Sana ay mabasa ito ng mga kabataan na walang kamuwangmuwang sa diktadurya na naging sanhi ng paghihirap ng bansa. Nawala ang demokrasya, nasaid ang pera ng bayan, at nawala ang kalayaan ng mga mamamayan.