Ni REY G. PANALIGAN

Bukas si Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima sa posibilidad na kumandidato sa anumang elective post sa 2016.

Bagamat ang kanyang pagkandidato sa susunod na eleksiyon ay maituturing na espekulasyon sa ngayon, tiniyak ni De Lima na hindi nito maaapektuhan ang kanyang trabaho bilang kalihim ng DoJ.

Ito ay bilang reaksiyon ni De Lima matapos siyang mapabilang sa top possible senatorial winners sa 2015, base sa huling survey ng Pulse Asia.

National

PBBM, nakisimpatya sa mga biktima ng wildfires sa California

“My attitude really is to leave it up to the future. Whether it’s in another branch of government or out of government, I would not know what will happen to me in 2016,” pahayag ng kalihim sa panayam.

Aminado si De Lima na hindi pa niya nakakausap si Pangulong Benigno S. Aquino III hinggil sa posibilidad ng kanyang pagsabak sa susunod na halalan.

“Naniniwala akong darating ang panahon na tatanungin din niya (PNoy) ako hinggil sa aking mga plano,” pahayag ni De Lima, “hindi ito ang tamang panahon para magtanong o kaya’y magdesisyon. Marami pa akong trabahong dapat gampanan.”

Sa resulta ng survey na isinapubliko noong Lunes, umani ng 35.3 porsiyento si De Lima na naglagay sa kanya sa ika-11 hanggang ika-15 posisyon ng mga posibleng sasabak sa senatorial race sa 2016, kasama sina Senator Serge Osmeña III at dating Senator Jamby Madrigal.

Kabilang din sa listahan sina Senators Vicente “Tito” Sotto III at Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang mga dating senador at ngayon ay pawang kalihim na sina Francis “Kiko” Pangilinan, Mar Roxas at Panfilo Lacson.