INCHEON– Namuhay si Gay Mabel Arevalo sa kanyang matinding pangarap mula nang maging miyembro ng national karate team may apat na taon na ang nakalipas.
Minabuti ng 20-anyos na si Arevalo na residente ng San Juan na kumuha ng leave of absence bilang Information Technology student sa San Sebastian College (SBC) upang magpokus sa sport na makapagbibigay ng matinding skills at maging ng abilidad na maiwasan ang punishment.
“Graduating na dapat ako kung tinuloy ko,” saad ni Arevalo makaraan ang break sa kanilang training kahapon.
Nasa spotlight si Arevalo dahil siya ang magiging huling Filipino athlete na tatayo sa final day ng Games sa Sabado.
Tanging ang karate, table tennis at soft tennis ang natatanging sports na nakaiskedyul bago ang closing ceremonies.
Sasabak ito sa women’s -50-kilogram division, isa sa tatlong final events sa karate.
Kaakibat ang pressure ay bahagi lamang sa isang atleta, ayon kay Arevalo.
“Hindi ko na lang po iniisip para maka focus ako sa laban,” saad nito.
Pinakabata sa dalawang magkapatid na babae, napasama si Arevalo sa martial arts simula pa nang siya’y bata.
“Mahilig kasi si mommy ng mga martial arts films lalo na ‘yung kay Bruce Lee,” giit nito.
Ang kanyang ama ay isang car mechanic habang ang kanyang ina ay isang plain housewife.
Isinaalala ni Arevalo na siya’y napasama sa isang gulo nang siya’y Grade 6.
“Binu-bully kasi ako kaya ginantihan ko na,” pahayag ni Arevalo. “Pero naging magkaibigan kami hanggang ngayon.”
Sinabi ni Arevalo na ‘di sang-ayon ang kanyang nakatatandang kapatid sa pasyon ng nasabing sports.
“Walang hilig sa sports,” ayon kay Arevalo, idinagdag na wala siyang pakialam kung umaakto siyang bodyguard ng kanyang kapatid.
Bagamat suot ang protective, ‘di pa rin maiiwasan ang injuries, ayon pa kay Arevalo.
Hindi siya napasabak sa Southeast Asian Games noong nakaraang taon sa Myanmar matapos na mapinsala ang kanyang daliri sa kasagsagan ng pagsasanay noon.
Bilang bahagi ng kanilang training, sinabi ni Arevalo na siya’y nakikipag-spar sa lalaki upang mapahigpit pa ang kanyang kampanya.
“Normal ‘yun sa amin. Para lumakas kami,” dagdag nito.
Ang Asian Games ang kanyang unang major event sa labas ng Pilipinas.
Napagwagian ni Arevalo ang bronze sa world championship sa bansa noong 2012.
Siya ay naging bahagi ng koponan na nakapagsanay ng isang buwan sa Turkey noong nakaraang Agosto.
Magsisimula ang karate event ngayon sa Gyeyang gymnasium.
Makikita sa aksiyon sa unang araw ng event si Orencio James Virgil delos Santos na sasabak sa men’s individual kata.
Si Joanna Mae Ylanan ang unang fighter na makikita sa aksiyon sa women’s -68-kg. bracket. - Rey Bancod