Coco Martin

SI Coco Martin na ang direktang kinokondena ng Commission on Women at Gabriela sa pagrampa niya na Bench Naked Truth fashion show na may kasamang babaeng nakatali na inihantulad sa isang hayop sa segment ng show na ‘the animal within us’ na idinirehe ng isang dayuhan, base sa konsepto ng mga namahala sa show.

Kaya nagpatawag na ng press conference ang manager ni Coco na si Biboy Arboleda para linisin ang pangalan ng anak-anakan na may tatlong proyekto nang apektado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pamamagitan ng abogada ni Coco na si Atty. Lorna Kapunan, humihingi ng dispensa ang aktor sa mga pangyayari dahil hindi niya gustong makasakit o mang-insulto sa kababaihan. Hindi raw komportable si Coco sa ginawa niyang pagrampa at sa rehearsal pa lang ay hindi na nito nagustuhan ang konsepto pero hindi ito nagawang sabihin sa organizers dahil pawang foreigners ang bumubuo ng event.

“During the rehearsal most of the people on stage were foreigners and even the choreographer was a foreigner,” paliwanag ni Atty. Kapunan. “Mr. Martin wanted to voice out his concern, particularly with the leash strapped on the neck of the lady model, but he failed to successfully communicate his thought because of the language barrier.

“Mr. Martin kept mum on his opinion on the matter because it was impressed upon him that the whole show was already finalized and he felt insignificant as to cause a scene and demand an overhaul of the entire segment.”

Hindi raw gugustuhin ni Coco na makasakit ng damdamin ng babae.

“Mr. Martin feels extremely sorry for what transpired and admitted that this incident taught him a major lesson to be more sensitive and mindful of the repercussions of his portrayals.

“Let it be clarified, however, that Mr. Martin did not have the slightest intention on his mind to insult women by this single unfortunate act. Mr. Martin has high regard for women just as he respects and loves his mother, his grandmother, and his three sisters.”

Sumakto rin ang sinabing ito ni Atty. Kapunan sa mensaheng ipinadala ni Coco kay Kris Aquino na binasa naman sa Aquino & Abunda Tonight noong Lunes ng gabi:

“Ate Kris good afternoon, nakapag-usap na po kami kanina ni Atty. Lorna Kapunan, maraming-maraming salamat sa iyo at sa pamilya mo sa pag-alala at pagsuporta mo sa akin sa panahong hindi ko inaasahang pagsubok na hinaharap ko ngayon.

“Honestly po, sobra akong nalungkot sa mga nangyari inaamin ko po ang naging pagkukulang ko dahil dala na rin po ng pagod sa araw-araw na trabaho hindi ko nakita ang malalim na kahulugan na ipinagawa sa akin sa Bench Fashion show.

“Humihingi po ako ng patawad at pag-intindi sa mga kinauukulan kasama ang pangako na magiging mas sensitibo ako sa mga isyung may patungkol sa karapatang pangtao at pagkababaihan.

“Ate Kris, alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang lola ko, ang mommy ko at mga kapatid kong babae, hindi ko magagawang tahasang mang-insulto ng babae sa anumang paraan.

“Marami po akong natutunan sa nangyaring ito, unang-una sa lahat ang responsibilidad na kakabit ng aking trabaho. Maraming salamat po ulit.”

Tinanong ni Kuya Boy Abunda nang gabing iyon ang guest nilang si Atty. Kapunan kung bakit hindi agad nagsalita ang aktor noong mga unang araw pa lang na tinutuligsa ang konsepto ng pagrampa nito.

“May kontrata si Coco with Bench at mahaba ang relationship, it was a relationship of trust as you can see, never in all the fashion shows they had with Bench na naka-revealing outfit siya because it is his manager and himself (decision) lagi siyang fully-clothed because you don’t have to advertise to be naked to advertise and I think the show by itself, he (Coco) was most applauded.

“Unfortunately, the realization came after kasi, ang feeling niya kontrata ito, ang feeling niya, he was an actor to do the role because this happens to be directed by foreigner (French lady walang alam sa sensitivity ng Pinoy),” say ng abogada.

Inamin ni Biboy na down na down ngayon si Coco at masama ang loob sa pamunuan ng Bench na hindi sinabi sa kanya ang tungkol sa isinagawang protesta ng ilang grupo ng kababaihan.

“Alam n’yo po, si Coco, ako ang itinuturing niyang business manager at nanay at ang career ni Coco ang itinuturing niyang hanapbuhay, wala naman siyang ibang hanapbuhay.

“Kumuha po kami ng tulong kina Atty. Lorna Kapunan and associates kasi po nati-threaten na ang hanapbuhay ni Coco Martin, hindi ko na po ida-divulge today kung ano ‘yung iilan na ‘yun. And if ever na mag-worsen ito, maybe I’ll see you in the next few days with Atty. Lorna Kapunan kasi magda-divulge na kami.

“I am not in the mood to fight back, gusto ko peace ang strike namin and step by step. At ang baon lang naming mag-ina rito ay dasal. At kung hanapbuhay na ang apektado, kailangang protektahan lalo na kung walang kasalanan at walang sinadyang ginawa para makasakit ng damdamin ng tao.

“Malungkot si Coco, he’s down, isa ito sa malaking dagok na dinadaanan niya, I’m managing Coco for six years, kahapon nag-usap kami at wala siyang lakas,” pahayag ni Biboy.

Sa tanong namin kung may plano pa ba silang mag-renew ‘pag nag-expire na ang kontrata ni Coco sa Bench, isang magandang ngiti lang ang isinagot ni Biboy sa amin.

Samantala, ipinagtataka ng lahat ang public apology ni Ben Chan kay Coco sa pamamagitan lamang ng Instagram account nito noong isang araw, pero pagkatapos ay tinanggal na rin kaagad.

Habang isinasagawa ang presscon, hindi pa rin daw personal na nakikipag-usap ang may-ari ng Bench sa kampo ng aktor.

Samantala, inamin naman ni Atty. Kapunan na makikipag-usap at hihingi ng dispensa si Coco sa nagawang pagkakamali sa Gabriela at sa Commission on Women.