Rumatsada ang University of Santo Tomas (UST) sa final day para muling mabawi ang kanilang titulo sa men’s at women’s division ng UAAP Season 77 judo tournament na idinaos sa Blue Eagles Gym.
Pinangunahan ni season MVP Al Rolan Llamas kung saan ay nakakolekta ang Tigers ng kabuuang 45 puntos upang maagaw ang korona sa nakaraang taong champion na Ateneo na nagkasya na lamang sa ikalawang puwesto matapos makatipon ng 43 puntos.
Katunayan, nagkaroon ng all UST finals sa men’s-66 kilogram class sa pagitan nina Llamas at kakamping si Adrian Mercado na siyang naging susi sa tagumpay ng koponan na ginagabayan ni coach Gerald Arce.
Sa kababaihan, nagbanta pa ang Lady Eagles na makamit ang tagumpay matapos kumulekta ng 30 puntos sa unang araw ng kompetisyon ngunit nasapawan sila ng UST sa huling araw nang makatipon ang Tigresses ng kabuuang 42 puntos matapos ang panalo nina season MVP Annie Ramirez at Princess Lucman sa-63 kg. at -78 kg. categories, ayon sa pagkakasunod.
Sa juniors division, dito na nagtagumpay ang Ateneo nang ankinin ng Blue Eaglets ang titulo sa pangunguna nina tournament MVP Christian Clemente at Rookie of the Year winner Jose Ariel Querubin.
Nagtala ng kabuuang 73 puntos ang Ateneo habang malayo namang sumegunda ang UST na may 34 puntos kasunod ang De La Salle-Zobel na may 13 puntos.
Ang tagumpay ang ika-11 titulo sa men’s division ng UST at ikapito naman sa pangkalahatan sa women’s division.
Ito rin ang ikatlong pagkakataon na kapwa napanalunan ng UST ang men’s at women’s title sa nakalipas na apat na seasons.
Pumangatlo naman ang University of the Philippines (UP) sa men’s division na may 23 puntos habang inungusan naman ng University of the East (UE) ang UP, 22-21, para sumunod sa second placer na Ateneo na may 32 puntos sa women’s.
Nagtapos lamang na ikaapat ang nakaraang taong women’s champion na La Salle matapos makalikom lamang ng 14 puntos.
Winalis naman ng Maroons ang Rookie of the Year trophies sa pamamagitan nina Von Kieffer Yu (men) at Beatriz Que (women).