“TUMATAYA ka ba sa lotto?” tanong ng aking amiga nang kumain kami sa karinderya sa may talipapa na malapit sa amin.
“Minsan,” sabi ko. “Pero hindi ako umaasang mananalo ako dahil alam mo naman ang probability na manalo ka sa lotto, one-in-a-billion. Ikaw?”
“Naku, Sister, taya ako nang taya simula nang manalo ang isang simpleng teacher ng milyun-milyon kelan lang. May mga tao talaga na ipinanganak na kakambal ang suwerte. Pero ako, hindi kailanman magiging lotto winner. Ang suwerte ng teacher na iyon. Ako, hindi ako suwerte.”
Pag-uwi ko sa bahay, pinagnilayan ko ang sinabi ng aking amiga – na may mga taong ipinanganak na kakambal ang suwerte. Minsan, namamangha tayo kapag inuulan ng magandang kapalaran ang ating kapwa; nariyan ang pagkapanalo nga sa lotto, o pagkagraduate sa kolehiyo ng isang tatamad-tamad na anak, ang pagtagumpay ng isang negosyo o kahit na isang simpleng pagkakatagpo ng nawawalang sandaang pisong papel sa bulsa ng pantalon sa bulto ng mga labahin. Pero mayroon bang suwerte?
Sa totoo lang, ang lahat ng bagay na nangyayari sa ating buhay ay hindi naiimpluwensiyahan ng suwerte o coincidence lang. Sa palagay ko, naroon ang kamay ng Diyos sa mga pagkakataong iyon upang ating gamitin para sa Kanyang mga balakin. Siya marahil ang nasa likod ng ating mga “suwerte” upang magdulot ng tagumpay. At ang Diyos rin marahil ang nasa likod ng “kamalasan” sa ating buhay upang turuan tayong magtiwala sa Kanya.
Kung may pananalig tayo sa Diyos, lahat ng ating ginagawa at sinasabi at pinupuntahan at iniisip at nararamdaman ay nasa ilalim ng direksiyon ng Diyos. Ang Diyos ang naghahari sa lahat ng pangyayari sa kasaysayan. Ang tawag dito ay “Biyaya”. Hindi mo nga ito mahahanap sa mga pahina ng Mabuting Aklat ngunit nakatatak ito sa bawat tema at istorya roon. Nasa likod natin ang Diyos upang mamunga tayo ayon sa Kanyang kagustuhan. Kung nasa atin ang Diyos, daig pa natin ang lotto winner.