Hotel-photo-for-Page-4-copy-550x366

Ni Niño Luces

Sa kabila ng pagbagsak ng maraming negosyo tulad ng hindi pagbabayad sa oras ng mga kliyente, nag-alok ng libreng accommodation ang may-ari ng isang hotel sa Guinobatan, Albay para sa mga evacuee ng Mayon Volcano.

Binuksan ni Mogs Padre, may-ari ng Charisma Function Hall and Catering Services, ang pintuan ng kanyang hotel sa Barangay San Rafael, Guinobatan, na may 50 silid, para sa nagsilikas mula sa mga barangay ng Muladbucad Grande, Muladbucad Pequeno, Doña Tomasa at Masarawag. Ang evacuees ay kinabibilangan ng mahigit 30 pamilya, kabilang ang limang may kapansanan, pitong senior citizen at 12 paslit.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinayagan ni Padre ang mga evacuee na manatili sa kanyang establisimiyento hanggang pahintulutan na ng awtoridad ang mga ito na makabalik sa kani-kanilang tahanan sakaling bumalik na sa normal ang bulkang Mayon.

“Kung maaari, binibigyan ko ng prioridad ang mga may kapansanan. Patuloy ang pakikipagkoordinasyon sa akin ng lokal na pamahalaan ng Guinobatan sa pamumuno ni Mayor Ann Ongjoco sa pagpapanatili rito ng nagsilikas,” ayon kay Padre.

Isang biktima ng stroke, ramdam ni Padre kung gaano kahirap para sa nagsilikas ang magsiksikan sa mga evacuation center.

Bago pa man manalasa ang super typhoon “Reming” may ilang taon na ang nakalipas ay binuksan na ni Padre ang pintuan ng kanyang hotel para sa mga evacuee.

Aniya, ang kanyang tulong sa mga sinalanta ng kalamidad ay bahagi ng kanyang corporate social responsibility bilang negosyante.

Sinimulan ni Padre ang kanyang hotel business 31 taon na ang nakakaraan. Sa pamamagitan ng P750 na kapital sa pagtatayo ng isang kantina, lumaki ang kanyang negosyo at ngayon ay may hotel at catering service na siya.