Galing sa kanilang matagumpay na kampanya sa nakaraang Open Conference, tatangkain ng Philippine Army (PA) Lady Troopers na mapasakamay ang ikalawang sunod na titulo sa muling paghataw sa Shakey’s V-League Third Conference sa Oktubre 5 sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Muling inaasahan na sasabak sa “full force” ang Lady Troopers kasunod ng kanilang naging paggapi sa dating kampeon na Cagayang Valley sa nakalipas na Second Conference Finals.

Kabilang sa inaabangan para muling sumalang sa Lady Troopers sina First Conference Finals MVP Jovelyn Gonzaga, Second Conference MVP Rachel Ann Daquis at dating league MVPs na sina Nerissa Bautista at Jean Balse.

Ngunit tiyak na muling dadaan sa butas nang karayom ang Army upang makamit ang hinahangad na back-to-back crown dahil tiyak na paghahandaan sila ng ibang mga koponan, isa na rito ang Lady Rising Suns na siguradong babawi sa natamo nilang kabiguan.

Probinsya

Sundalong namatayan ng asawa't anak, arestado matapos magpaputok ng baril

Muli, inaasahang mangunguna para sa Cagayan sina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Rosemarie Vargas, Janine Marciano at Pau Soriano.

Nagkumpirma din ng kanilang partisipasyon ang Meralco sa torneo na nakatakdang ilunsad sa darating na PSA Forum sa Martes, gayundin ang PLDT Home Telpad na siya namang tumapos na third placer sa nakalipas na conference.

Ayon sa organizer ng liga na Sports Vision, mayroon silang malaking pahayag na gagawin kaugnay sa pagdaraos ng Third Conference na mas lalong makapagpapaganda ng season-ending conference sa ligang ito na itinataguyod ng Shakey’s sa tulong ng Mikasa at Accel.

“We’re coming up with new innovations aimed at further making the league worth watching and way ahead of competition,” ayon kay Sports Vision president Ricky Palou.