Nina FER C. TABOY at ROMMEL P. TABBAD

Dumadagsa ang mga turista sa Albay na gustong makita ang kagandahan ng nag-aalburotong Bulkan Mayon sa kabila ng panganib na dala ng pinangangambahang pagsabog nito.

Biyayang maituturing para sa mga negosyante at lokal na pamahalaan ang patuloy na pagdami ng mga dayuhan at lokal na turista na aliw na aliw sa pagkuha ng mga larawan at video ng bulkan.

Nagtalaga na ang pamahalaang panlalawigan ng mga viewing area na maaaring puntahan ng mga turista gaya ng Lignon Hill Nature Park na matatanaw ang Bulkang Mayon, Cagsawa Ruins Park, Daraga Church, Legazpi City Boulevard, Taysan Hills at Quituinan Hills.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ipinagbabawal pa rin ang mga nakahihiligang gawain bilang parte ng pagbisita sa lalawigan tulad ng ATV ride patungong Mayon, paglalaro ng golf sa Doña Pepita Golf Course, pagtungo sa Mayon Rest House at iba pang aktibidad sa sakop ng 6-km permanent danger zone at 6-8km extended danger zone.

Sa huling ulat na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon, umalagwa na sa 855,000 cubic meters ang lava dome ng Bulkang Mayon mula sa 560,000 metric meters na naitala sa nakaraang araw.

Paliwanag ng Phivolcs, itinutulak ng magma ang lava dome ng bulkan na senyales na umaakyat na ang isa pang bugso ng magma na unang na-monitor sa ilalim ng bulkan.

Sinabi ng ahensya na muli na namang nakapagtala ng pagyanig ang bulkan at ang walo sa mga ito ay may kinalaman sa pag-akyat ng magma sa bibig ng bulkan.

Lalong tumindi ang pangamba ng malakas na pagsabog dahil na rin sa pansamantalang pananahimik ng bulkan na iniuugnay sa mga naganap na pagputok nito noong 1984 at 2009.