Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman (OMB) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa kasalukuyan at dating opisyal ng Department of Transportation and Communication (DoTC) kaugnay ng umano’y maanomalyang maintenance contract para sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3.
Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang imbestigasyon base sa rekomendasyon na isinumite ng OMB Field Investigation Office (FIO).
Nahaharap sa imbestigasyon sa posibleng paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina DoTC Secretary Emilio Abaya at dating MRT General Manager Al Vitangcol III.
Kasama rin sa charge sheet ang mga miyembro ng DoTC Bids and Awards Committee na sina Undersecretary Jose Perpetuo Lotilla, Undersecretary Rene Limcaoco, Undersecretary Rafael Antonio Santos, Assistant Secretary Ildefonso Patdu, Assistant Secretary Dante Lantin, at Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Honorito Chaneco.
Ilang miyembro ng negotiation team ang kabilang din sa mga inireklamo sa Ombudsman at ang mga ito ay sina Misael Narca, Engineer Joel Magbanua, Arnel Manresa, Natividad Sansolis, Engr. Gina Rodriguez, Eugene Cecilio, Engr. Raphael Lavides, Atty. Geronimo Quintos; at mga kinatawan ng Philippine Trans Rail Management and Services Corporation-Comm Builders and Technology Philippines Corporation (PH Trams - CB&T) na sina Wilson De Vera, Arturo Soriano, Marlo Dela Cruz, Manolo Maralit at Federico Remo.
Sina Vitangcol, De Vera, Soriano, De la Cruz, Maralit at Remo ay nahaharap sa hiwalay na kaso ng paglabag sa Government Procurement Reform Act.
Mayo ngayong taon nang nagbitiw si Vitangcol bilang MRT general manager.
Iniulat ng FIO na nilagdaan ang maintenance agreement para sa mga bagon noong Disyembre 1997 ng MRT Corporation bilang facility owner at Sumimoto Corporation para sa ligtas at maayos na operasyon nito.
Matapos mag-expire ang orihinal na maintenance agreement noong Hunyo 2010, apat na beses itong pinalawig hanggang Oktubre 2012.
Lumitaw din sa imbestigasyon na inirekomenda ng negotiating team na ipagkaloob ang maintenance project sa PH Trams-CB&T joint venture sa buwanang halaga na $1.15 million.
Oktubre 20, 2012 nang ibinigay ang kontrata sa proyekto sa PH Trams-CB&T nang walang public bidding, ayon sa Ombudsman. - Jun Ramirez