CELLPHONE KO! ● Napanood ng sambayanan noong isang gabi sa TV news kung paano inagaw ng isang snatcher ang cellphone ng isa sa tatlong babaeng estudyanteng naglalakad sa isang residential area sa Quezon City. Kuhang-kuha sa CCTV ang panghahablot at wala namang nagawa ang mga kasama ng biktima bunga ng pagkabigla at pagkatakot. Matapos maisagawa ang panghahablot, sumampa ang snatcher sa naghihintay nitong kasama na lulan ng isang motorsiklo, sabay layas. Mabuti na lamang snatching lang ng cellphone ang nangyari at hindi tinarakan ng icepick ang kawawang dalagita at kung nagkataon, malamang na sa punerarya siya katatagpuin ng kanyang mga magulang at kaklase dahil lamang sa pagtatanggol sa kanyang cellphone. Lumalaganap na ang ganitong estilo ng pagnanakaw. Sa Quezon City rin, isang teacher ang nakaladkad ng riding-in-tandem nang hablutin ang kanyang bag na naglalaman ng mga gadget. Dumulog siya sa himpilan ng pulisya na may mga galos. Hindi niya iniinda ang kanyang mga sugat ngunit ang trabaho na naka-save sa naturang mga gadget ang kanyang pinanghihinayangan. Hanggang hindi gumagamit ng marahas na hakbang ang mga kinauukulan laban sa krimeng kinasasangkutan ng riding-in-tandem, walang happy ending ang istorya ng kriminalidad sa bansa.

IKAW BA ITO? ● Sa pagreretiro isang mataas na opisyal sa Industrial Technology Development Institute ng Department of Science and Technology (DOST-ITDI), naghahanap ngayon ang naturang ahensiya ng gobyerno ng isang mahusay na kahalili bilang direktor. Ang posisyon: Director IV na may katapat na Salary grade 28 (mahigit P67,000 lang naman starting salary). Ang kuwalipikasyon: Ang aplikante ay kailangang may doctorate degree sa science o engineering. May tatlong taon na experience bilang supervisor, isang taon sa industriya at career service eligible. Kung ikaw ito, mayroon kang hanggang Oktubre 3 upang makapag-submit ng iyong intensiyong maglingkod sa naturang ahensiya, kasabay ng iba pang dokumento at mga clearance. Bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na magningning sa larangang iyong napili. Sa paglilingkod sa gobyerno, hindi mahirap ang lumago bilang lingkod-bayan sapagkat inaasahan nang nakahabi ito sa iyong karakter. Ito na ang pagkakataon mo.
National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte