Ipinaglalaban ni Gabriela Women’s Party Rep. Emmi de Jesus na maipasa ang House Bill 4408, na naglalayong mapalaya ang mga mag-asawa sa irreconcilable marriages kasabay ng pagpapahayag ng kasiyahan sa direktiba ni Pope Francis sa mga theologian at canon lawyer na muling pag-aralan ang mga batas sa annulment.
“Napakakomplikado at sobrang taas ng halagang dapat gastusin para sa annulment sa hanay ng karaniwang mag-asawang Pilipino. Ang marahang hakbang na ito ng Santo Papa patungo sa pagluwag ng annulment ay hudyat ng pagkilala sa pangangailangang bigyan ng makataong paraan lalo na ang mga kababaihang biktima ng marahas na relasyon na kumalas nang ligal at maayos sa kani-kaniyang asawa,” aniya sa isang pahayag.
Sa ilalim ng HB 4408, pagkakalooban ng diborsiyo ang mga sumusunod: ang petitioner na limang taon nang nakahiwalay sa asawa at malabo nang magkabalikan; ang petitioner na dalawang taon nang legally separated sa asawa at malabo nang magkabaikan; at kung ang alinman sa mga batayang ito para sa legal separation sa ilalim ng paragraph (a) ng Article 55 ng Family Code ay nagdulot ng hindi na maayos na pagsasama sa kasal.
Kung ang isa o dalawa sa mag-asawa ay psychologically incapacitated para matupad ang mahahalagang obligasyon sa kasal; at kung ang mag-asawa ay nagdurusa sa irreconcilable differences na nagdulot ng hindi na maaayos na pagbagsak ng kasal ay kabilang din sa batayan para sa divorce ayon sa panukalang batas. - Charissa Luci