Moro-Moro lamang daw ang lahat ng bidding sa mga proyekto sa Makati City kung saan may pinapaboran na agad na kontratista bago pa man masimulan ang proseso mula pa noong alkalde si Vice President Jejomar Binay hanggang maluklok ang kanyang anak na si Jejomar Erwin Binay sa puwesto.
Ayon sa bagong testigo na si dating Makati City Councilor at pinuno ng General Services Department Ernesto Aspillaga, nakatanggap din siya ng buwanang allowance na P70,000 hanggang P90,000 mula sa nakatatandang Binay.
Aniya umabot pa sa P300,000 hanggang P500,000 ang natatangap niya mula kay VP Binay na nakalagay sa brown envelope.
“Aaminin ko po yun ay isang bidding-biddingan lang o moro-moro…, tugon ni Aspillaga sa pagtatanong ni Senator Antonio Trillanes IV.
Sinabi pa nito na kapag nakakuha na sila ng purchase request may nakasulat kamay na si Binay na nag-aatas kung sino ang papaborang kontratista.
Hindi naman dumalo si VP Binay at ang alkalde at wala din ipinadalang mga kawani ng Makati City Hall, kaya nagbabala si Blue Ribbon sub-committee chairman Senator Aquilino Pimentel III.
Nagbabala naman si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na puwedeng arestuhin ng Senado ang mga hindi dumadalo sa pagdinig.
“Kung handa silang humarap bakit sila tumatalikod o hindi nag-a-appear. So nagmimistulang ‘untouchable’ ang mga Binay,” ayon kay Cayetano.