Pinagtibay ng Supreme Court en banc ang hatol na guilty kay Sandiganbayan 4th Division Chairman Associate Justice Gregory Ong sa kasong administratibo dahil sa pagkakaugnay sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Sa isang press briefing, sinabi ni Atty.Theodore Te, tapagsalita ng Supreme Court (SC), sa botong 8-5, kinatigan ng en banc ang rekomendasyon ni retired SC Associate Justice Angelina Sandoval Gutierrez na sibakin sa serbisyo si Justice Ong dahil sa mga kasong gross misconduct, dishonesty at impropriety dahil sa pagbibigay kahihiyan sa integridad ng hudikatura.
Una nang inatasan ng SC si Gutierrez na imbestigahan ang alegasyon laban sa sinibak na Sandiganbayan justice matapos ilagay sa kompormiso nito ang integridad ng hudikatura dahil sa kanyang pagkakaibigan kay Napoles.
Sa kanyang rekomendasyon, binigyang-diin ni Justice Gutierrez na hindi dapat na manatili si Ong sa tungkulin kahit na sa kaunting sandali.
Kinatigan naman ni Justice Secretary Leila De Lima ang pagkakasibak kay Ong.
Sinabi ni De Lima, patunay na hindi divisible ang moral integrity sa ginawang pagpili ng SC sa pagpapataw ng kaparusahang pagkakasibak kay Ong sa halip na suspensiyon.
Paliwanag ng kalihim na sinumang miyembro ng hudikatura na walang moral integrity ay hindi dapat na sinususpinde lang dahil permanente ang character disqualification o hindi incidental lang.
Binigyang diin ni De Lima, mabisang pagpapanatili sa tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya ay ang pagkakaroon ng mataas na antas ng integridad ng mga hukuman.