Sinagot ni Vice-President Binay ang paratang sa kanya at pamilya na overpriced ang Makati parking building na ipinagawa nila sa panahong pinagpasa-pasahan niya, ng kanyang maybahay at anak ang posisyon ng alkalde sa Makati. Hindi nagawa ng buo ang gusali sa termino ng isa sa kanila. Sa loob ng bawat termino nila ay may bahagi lang ng gusali ang nagawa. Paunti-unting ginagawa ang gusali na para bang kalye na ipinasemento ng isang mambabatas na kapag may pera na naman saka ito dudugtungan.

Sa mga kritiko ni Binay, talumpati na raw ng isang nangangampanya ang kanyang ginawa. Ang malaking bahagi kasi nito ay isinentro niya sa kanyang sarili. Ginamit niya aniya ang kanyang pagiging abogado sa pagtulong sa mga dukha nang pro bono. Kung narating daw niya ang kinalalagyan niya ngayon ay hindi mo siya masisisi. Hindi kasalanan ang mangarap at paunlarin ang sarili, wika niya.

Sa tinurang ito ni Binay, hindi mahirap intindihin kung paano niya pinaunlad ang kanyang sarili at maging vice-president siya, ang kanyang anak na si Nancy senador, ang anak na si Abegail kongresista, at ang kanyang anak na si Jun-jun alkalde ng Makati. Nag-umpisa ang kanyang pag-unlad nang gawin siyang alkalde ng Makati ni Pangulong Cory. Hindi na nga siya naalis sa pagka-alkalde, ipinamana pa niya ang kanyang posisyon sa kanyang maybahay at anak. Halos sabay-sabay tumatakbo si VP at ang kanyang mga anak sa tuwing halalan. Kung paano niya nasusustentuhan ang kanilang kandidatura sa mga halalang nagdaan ay masasalamin mo na ang gahiganteng hakbang ng kanyang iniunlad at iniyaman. Napakagastos ng ating halalan. Ang mamalagi kang kandidato at nananalo ang magpapatunay ng dami ng iyong salapi.

Nagumpisang mahirap si Binay. Iyong bang tagal niya sa pulitika na walang halong overpricing o porsyento sa mga proyekto at hindi ginamit ang kanyang posisyon sa pagkita ay masusustentuhan ba ang kanyang kandidatura at kandidatura ng kanyang kapamilya sa matagal na panahon? Kaya ba nilang mag-ari ng mga malawak na lupain at hindi lang iilang bahay na may elevator pa? Marahil ay hindi na nailabas ni Binay ang kanyang ang payak niyang sarili kung nagmatigas na lang siya na sa Ombudsman na lang niya sasagutin ang paratang sa kanya.
Probinsya

84-anyos na lola, minaltrato ng manugang; sinilaban ng buhay!