Walang dahilan upang magsaya na nang lubos ang Far Eastern University (FEU) matapos makamit ang No. 2 seeding papasok sa Final Four round ng UAAP Season 77 basketball tournament.
Noong nakaraang Linggo ng gabi, ginapi ng Tamaraws sa ikatlong pagkakataon sa taong ito ang defending champion La Salle, 65-60, para makamit ang second spot sa Final Four na may kaakibat na twice-to-beat incentive.
“We don’t have to celebrate too much. We haven’t achieve anything yet,” pahayag ni FEU coach Nash Racela.
“Malayo pa , we still need another win to reach the finals. Kaya dapat low key tayo,” dagdag pa nito.
Ayon kay Racela, ikinatuwa niya ang naging resulta ng kanilang laban sa La Salle dahil dito aniya nasubukan ang karakter ng kanyang koponan kasunod sa kanilang nakapanlulumong pagkabigo sa Ateneo sa kanilang nakaraang laban para sa top spot papasok sa Final Four round.
Ipinagmalaki din niya ang pagiging matiyaga ng kanyang mga manlalaro na umano’y susi sa kanilang naging panalo laban sa Green Archers.
Isa na rito ang kanyang ace guard na si Mike Tolomia na sa kabila ng pangungutya na natamo, matapos na mabigong maisalba ang kanyang koponan sa kamay ng Ateneo nang magmintis ang dalawang krusyal na free throws, ay nagsikap at nagtiyaga pa rin ito para makarekober at makabawi sa sumunod nilang laro.
“Today it showed again, the character of the team. Sabi namin, if you want to succeed in life you have to persevere regardless kung ano ang nasa harap namin,” ayon pa kay Racela.
Kaya naman sa susunod nilang pagtutuos ng Green Archers para paglabanan ang ikalawang finals berth sa darating na Sabado, muling inaasahan ni Racela na ipamalas ng kanyang Tamaraws ang nasabing katangian sa pagiging matiyaga at masikap.