Nahaharap sa kasong bigamy si Atty. Renato Bondal, isa sa mga nagsampa ng plunder case laban kay Vice President Jejomar Binay kaugnay sa umano’y overpriced na Makati City Hall Building 2.

Noong Agosto 2014, naghain ng disbarment case si Eduardo Eridio ng Barangay Palanan laban kay Bondal dahil sa “gross immoral conduct” na sinasabing nag-ugat sa kasong bigamy.

Sa 2-pahinang reklamo nito sa Supreme Court Office of the Court Administrator, nagpakasal umano si Atty. Renato L. Bondal sa isang Rutchie B. Barcelona noong Marso 19,1997 sa sala ni Makati City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 65 Judge Felicidad Navarro-Quiambao.

Batay pa sa reklamo ni Eridio, muling ikinasal si Bondal noong Hulyo 2, 2011 kay Janice N. Ramos sa Malate Catholic Church sa pamamagitan ni Rev. Fr. Daniel O’Malley.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon pa kay Eridio, dapat na alisan ng pribilehiyo sa pagpapairal ng batas si Bondal dahil inabandona umano nito ang kanyang unang asawa at mga anak at malinaw aniyang pagpapakita ito ng buhay na hindi naaayon sa mataas na moral na pamantayan ng komunidad.

Nilabag din ni Bondal ang Article 349 ng Revised Penal Code,na nagpapataw ng penalty of prision mayor o pagkakakulong ng mula anim hanggang 12 taon para sa bigamy.

Nagkasala sa bigamy ang taong pumasok sa pangalawang kontrata ng kasal bago pa legal na mapawalang bisa ang dating kasal o bago ideklarang patay ang asawa sa pamamagitan ng wastong proseso ng paghusga.

Kalakip nito ang sinumpaang reklamo ang mga kopya ng marriage certificate ng dalawang petsa na may registry no. 97-1088 (unang kasal) at registry no. 2011-06804 (pangalawang kasal).

Kabilang din ang sertpikasyon mula sa NSO na nilagdaan ni Lisa Grace Bersales,national statistician at civil registrar general, na nagpapakita ng dalawang kasal na nakarehistro sa database na sumasakop sa 1945 hanggang 2014.