GENERAL SANTOS CITY - Nag-alok ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng General Santos ng P200,000 pabuya sa makapagtuturo sa mga responsable sa pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa tapat ng city hall noong Martes, na isa ang namatay at walo ang nasugatan.
Naniniwala si GenSan City Mayor Ronnel Rivera na makatutulong ang pabuya sa agarang pagdakip sa mga salarin sa unang insidente ng pagpapasabog sa ilalim ng kanyang administrasyon na nagsimula noong 2013.
Ayon sa pulisya, nakita ng ilang nasugatan sa insidente ang isang lalaki na nag-iwan ng isang plastic bag na naglalaman ng IED sa tapat ng monumento ni Jose Rizal sa gitna ng plaza.
Namatay si Jay-R Magnanao, 17-anyos na estudyante ng AMA Computer Learning Center, sa mga tama ng shrapnel sa kanyang katawan.
Suspetsa ng awtoridad na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa pamumuno ni Mohammad Jaafar Maguid, alias “Commander Tokboy,” ang nasa likod ng pambobomba.
Si Maguid, na isang sub-leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), na pinamumunuan ni Amelil Umbra Kato, ay pumuga sa Sarangani Provincial Jail matapos maaresto at kasuhan kaugnay sa pag-atake sa munisipyo at himpilan ng pulisya sa Maasim, Sarangani noong Agosto 2008. - Joseph Jubelag