Hindi maiwasang manghinayang weightlifting coach Gregorio Colonia matapos ipakita ang dalawang pahina ng dilaw na Post-It notes na naglalaman ng mga positibong mensahe kinaumagahan matapos na ang kanyang pambato at pamangkin na si Nestor Colonia ay mabigo sa kanyang tsansa sa men’s 56-kg event Sabado ng gabi sa ginaganap na 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Isinulat mismo ng 22-anyos na si Nestor ang mga mensahe na nagpapaalala sa kanya na pag-igihan at dagdagan pa ang paghahanda tuwing sasabak sa internasyonal na torneo na nakataya ang dignidad ng Pilipinas.

Ito ang unang pagkakataon na binasa ng Olympian at SEA Games gold medalist at coach na si Colonia ang mensahe. Gayunman, hindi na mahalaga ang nilalaman ng sulat.

Ito ay matapos na nerbiyusin at manghina ang mas batang si Colonia kontra sa mas preparado nitong mga kalaban kung saan ‘di nito nagawang makabuhat sa tatlo nitong tsansa.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Lumambot ang balikat. Halata ang pressure sa kanya. Psychological ang naging problema n’ya nung solo na siya sa spotlight,” sabi ng coach.

Aminado naman ang mas nakakatandang Colonia na hindi nagkulang ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagsuporta at pagtulong sa dating Asian at World junior medalist kabilang pa ang pakikipagusap nito sa kilalang sports psychologist na si Rey Canlas.

“We did not introduce anything new. We based our program on everything we did in our previous sessions with him,” sabi ni Canlas, na ang klinika ay katabi lamang ng weightlifting training center sa Rizal Memorial Sports Complex.

Gayunman, sinabi ni Delegation official Romeo Magat, na siyang nagtakda ng clinic sa loob mismo ng Athletes’ Lounge ng RMSC Tennis Center, na dalawang beses lamang dumalo sina Colonia bago magtungo sa Incheon.

“Those scribbled messages were part of his psychological preparations,” sabi ni Canlas.

Subalit hindi pa rin nagawa ng batang Colonia na lumaban kontra sa mga preparadong karibal. Nangangamba na rin ito na matanggal sa national team.

“Naiisip ko po na mawawala ang slot ko sa national team,” sabi ni Nestor. “Apektado po ako.”

Siniguro naman ni Chief of Mission Ricardo ‘Ritchie’ Garcia na makakalaban pa si Colonia sa susunod na taon na Southeast Asian Games sa Singapore.

Nakatakda namang muling rebisahin ang performance records ng mga national sports association, kabilang na ang Philippine Weightlifting Association (PWF), na nakapagkuwalipika lamang ng isang atleta matapos na maalis ang 2-time Olympian na si Heidilyn Diaz sa isinagawang Asiad Task Force qualifying.