Setyembre 21, panahon ng pamumulaklak ng mga talahib sa mga bundok, gubat, at parang. Sa kasaysayan ng Pilipinas isang mahalagang araw na ito sapagkat ginugunita nito ang Martial Law na pinairal ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972. Ito ang sumupil at sumikil sa mga karapatan at kalayaan ng sambayanang Pilipino. Sa pagpapatupad ng Martial Law, inagaw ang dalawang mahalagang elemento ng buhay - ang Kalayaan at Demokrasya. Dinakip at ikinulong ang lahat ng mga kalaban sa pulitika ng diktador. Namahay rin sa kulungan ang mga makabayang broadcaster at matapang na peryodista.

Sa paggunita ng Martial Law, saglit nating ipagdasal ang mga nagbuwis ng buhay ang “Los Desaparecidos” o mga dinukot ng militar na hindi na mabatid kung saan sila pinatay at nalibing at ang iba pa na hindi na matandaan ang mga pangalan na pinatay rin sa mga gabi ng Martial Law; gayundin ang mga dumanas ng torture na mga lider-manggagawa estudyante, madre, pari at iba pang aktibista. Nalibing na walang kabaong at hindi malaman ng kanilang mga mahal sa buhay kung saan sila aalayan ng mga bulaklak at dasal. Kasama rin sa paggunita ang nabubuhay pang mga biktima ng lupit ng Martial Law na tumanda na sa patuloy na naghihintay ng katarungan.

Ayon sa kasayayan, tumagal ng 14 taon ang Martial Law. Ang nagpatupad nito na tila mga asong masunurin ng diktador ay sina dating Pangulong Fidel V. Ramos na chief noon ng Philippine Consabulary at Senador Juan Ponce Enrile na Defense Secretary.Si Senador Enrile noon (naka-hospital arrest ngayon dahil sa kasong plunder); at ang tambolero naman ng Malacañang ay si dating Senador Francisco Kit Tatad na ang mukha laging nakikita sa telebisyon kung may mga bagong Presidential Decree o Executive Order ang diktador.

Ngunit lahat ay may wakas; ika nga ni dating Pangulong Erap Estrada na mayor na ngayon ng Manila, weder-weder lang ‘yan. Nagtapos ang diktaturyang Marcos sa EDSA People Power na ang sandata ng mamamayan ay pagkakaisa, dasal at mga bulaklak.
National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'