Ni CLEMEN BAUTISTA
ANGONO, Rizal - Siyam na bilanggo sa himpilan ng Angono Police ang nakatakas sa kasagsagan ng malakas na ulan na dulot ng habagat na pinatindi ng bagyong ‘Mario’ sa Rizal, kahapon ng umaga.
Ayon sa report ng Angono Police kay Rizal Police Provincial Office director Senior Supt. Bernabe Balba, nakatakas sina Ernesto Montecalvo, 24, ng Barangay Mahabang Parang, Angono; Michael Alex, 24, ng Bgy. San Isidro, Taytay; John Dave Cruz, 18, ng Bgy. Muzon, Taytay; Jeron Noblejas, 19, ng Bgy. Bagumbayan, Angono; Joharry Samson, 21; Rene Roboquio, 24, kapwa ng Bgy. Mahabang Parang, Angono; Joel Jose, 18, ng Bgy. San Isidro, Angono; Joel Titular, 35, ng Bgy. San Roque, Antipolo City; at Victor Casiguran, 20, ng Bgy. San Carlos, Binangonan, Rizal.
Ang mga nakatakas ay akusado sa mga kasong rape, robbery, theft, alarm and scandal, at attempted murder.
Ayon sa imbestigsyon ni SPO1 Wilfredo Inocencio, dakong 3:00 ng umaga nang nakatakas ang mga preso sa pagsira sa steel bar at pagtanggal sa bubong ng kulungan habang malakas ang ulan.
Nagising ang isa sa mga preso at Comandanakita ang mga kapwa niya bilanggo na nasa bubungan at nagsisitakas. Sumigaw ang preso para matawag ang pansin ng naka-duty noon na si PO2 Erickson Roque, ngunit dahil sa lakas ng ulan ay hindi niya narinig nito.
Sa pagsigaw ng isa pang bilanggo ay naalerto si Roque na nagpatulong sa desk officer para habulin ang mga bilanggo pero nakatakas na ang mga ito.
Agad na naglunsad ng follow-up at manhunt operations ang mga tauhan ng Angono Police at Rizal Police Provincial Office upang maaresto ang siyam na pugante.