Setyembre 20, 1898, isinilang ang tagapagtatag ng Girl Scouts of the Philippines (GSP) na si Josefa Llanes Escoda sa Dingras, Ilocos Norte. Matapos matamo ang kanyang teaching degree sa Philippine Normal School sa Manila noong 1919, si Escoda ay naging social worker sa Philippine chapter ng American Red Cross.
Sa pamamagitan ng Red Cross scholarship, nakuha niya ang master’s degree in social work sa Columbia University sa Amerika noong 1925.
Sa ilalim ng sponsorship ng Boy Scouts of the Philippines, ipinadala si Escoda sa Amerika para sumailalim sa pagsasanay sa Girl Scouting. Sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, itinatag niya ang GSP, at sinimulang sanayin ang ilang babae upang maging mga lider ng Girl Scout.
Noong Enero 6, 1945, binitay si Escoda sa edad na 46, dahil sa suspetsang isa siya sa mga nakikisimpatiya sa mga gerilya laban sa mga tropang Japanese.