Posibleng ipatupad ang Internet voting para sa dalawang milyong Overseas Filipino Worker (OFW) kung ipapasa ng Kongreso ang isang “amendatory law,” ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Hinimok ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. ang mga lider ng Kongreso na amiyendahan ang mga umiiral na batas upang maipatupad ang internet voting.

“We have to remedy the voting (system), not the registration. We are asking Congress to propose some kind of system that would allow voting. We have to get approval from Congress,” pahayag ni Brillantes sa mga mamamahayag matapos ang pagdinig sa panukalang P2.606-trillion 2015 national budget.

Ilan sa mga batas nais na maamyendahan ng Comelec ay ang Overseas Absentee Voting Act, Automated Election Law, at Fair Election Act.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Aniya, oras na mapagbigyan sila ng Kongreso sa kanilang hiling, maaari nilang mapagtuunan ng pansin ang problema sa botohan sa Middle East, na mayroong 2.2 milyong Pinoy na manggagawa.

“We have two consulates in Riyadh and Jeddah. You have to travel to the Consulate to cast your votes,” aniya.

Sinabi niya na malaking bagay para sa mga Pinoy seafarer sa oras na maipasa ng Kongreso ang panukalang internet voting.

Aabot sa 360,000 Filipino seafarer ang naglalayag sa iba’t ibang panig ng mundo, na bumubuo ng 25 porsiyento ng buong global maritime workforce at 80,000 sa kanila ay nakasakay sa mga E.U.-flagged commercial vessel.

Ipinanukala ni Brillantes ang internet voting matapos umabot lamang sa 15.35 porsiyento ang total voter turnout sa overseas absentee voting (OAV) noong may 2013 elections.